Housewife for Rent

Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz

 

“Pambihira!” sabi ni Romano. “Pati pala housewife, nauupahan na.”

Sabi ng anunsyo: “Masipag, mapagkakatiwalaan. Handang maglingkod sa tahanang walang asawa. Magluluto, maglalaba, maglilinis ng bahay. Puwedeng arawan o buwanan.”

Nakita ni Romano ang anunsyo sa Craigslist. Kahihiwalay pa lamang niya sa kanyang asawang amerikana. Isang taon silang nagsama; hindi magkatugma ang kanilang ugali at hilig kung kaya’t nagkasundo na maghiwalay.

Tinawagan ni Romano ang kaibigang si Tony. Ibig niyang makuha ang opinyon ng kaibigan.

“Housemaid ang trabahong hinahanap ng taong iyan, hindi housewife,” paliwanag ni Tony.

“Ang linaw, pare. Sabi sa ad, ‘housewife’,” tutol ni Romano.

“Gimik l’ang, ‘yan,” dagdag ni Tony, “para ma-intriga ka.”

Ang ginawa ni Romano ay tinawagan ang nag-aalok ng serbisyo at gumawa ng appointment para sa interview.

Ang dumating sa interview ay isang magandang babae na ang edad ay 33, humigit-kumulang. Kayumanggi ang kulay ng balat, hindi siya kataasan, pero hindi rin maliit, may kahabaan ang buhok, balingkinitan ang katawan, at maaliwalas ang pagmumukha. Bilugan at puno ng buhay ang kanyang mga mata. Ang labi’y mapula kahi’t na walang lipstick.

Ang inaasahang makita ni Romano ay isang may katandaan nang babae, maliit, mataba, at may mga kapintasan. Nagulat siya na ang dumating sa interview ay isang babaeng malakas ang personalidad at sadyang kaakit-akit.

“Talaga bang ikaw si Sarah Fernandez?” usisa ni Romano.

“Bakit, may inaasahan pa ba kayong iba? Ako nga si Sarah,” mahinahong sagot ng babae.

“Wala. Ikaw lamang ang aking inaasahan,” sagot ni Romano. At dugtong niya, “sa ilang pananalita ay maaari mo bang ilarawan ang iyong sarili?”

“Ako si Sarah Fernandez, 31 taong gulang, dating may asawa, ngayon ay housewife for rent. Kakaunti ang aking pinag-aralan, nguni’t ako ay dalubhasa sa kung fu at may title na ‘master’. Namatay nang maaga ang aking asawa. Naghahanap ako ng bahay na matitirahan, at kung saan man ang bahay na iyan, kanino man ang bahay na iyan, ako’y handang magsilbi katulad ng pagsisilbi ng asawa,” sagot ni Sarah.

Habang nagsasalita si Sarah ay lumiligid ang kanyang paningin at sinusuri kung anong uri ng pamamahay mayroon si Romano. May kalakihan ang bahay ni Romano. Masasabing may kaya siya sa buhay, batay sa laki at anyo ng kanyang bahay. Mataas ang kisame, yari sa magandang kahoy ang sahig at dingding. Malinis ang kapaligiran at kaaya-aya ang pakiramdam, hindi maalinsangan, maganda ang ikot ng hangin sa loob ng bahay na nagmumula sa malalaking bintana.

“Maaari kang maging sekretarya o clerk, saleslady kaya, o model. Bakit ibig mong manilbihan bilang isang housewife for rent?” tanong ni Romano.

“Hindi siguro ako matatanggap dahil sa hindi ako nakatapos ng pag-aaral,” sagot ni Sarah. “Ang ibig ko ay maging isang live-in domestic helper, sa ibang salita, at nang may suweldo na ako ay mayroon pang matitirahan.”

“Bakit hindi mo inilagay sa iyong anunsyo na ‘live-in domestic helper’; bakit ang inilagay mo ay ‘housewife for rent’?” nagtanong pang muli si Romano.

Sagot ni Sarah, “Ako’y naging mapagmahal at masunuring asawa, nguni’t ang pagsisilbi ko sa aking naging asawa ay higit pa sa pagsisilbi ng isang katulong. Taga-luto, taga-laba, taga-linis, taga-pamili, at sa gabi ay kasiping sa kama. Nagsilbi ako sa asawa ko na walang sahod at sa huli ay namatay siya na wala man lamang naiwang insurance o mana na maaari kong ikabuhay. Ako ay mahirap pa sa daga ngayon at ang aking mga magulang at kapatid na nasa probinsya ay walang kakayahan upang ako ay matulungan. Sila nga ang umaasa na ako ay makapagpapadala ng pera.”

“Kung tatanggapin kita, gagawin mo ba ang lahat ng pagsisilbi na binanggit mo?” patuloy ni Romano.

“Ang ibig mong sabihin ay . . .”

“Oo, hanggang doon sa pagsiping sa gabi,” dugtong ni Romano.

“Hindi ako babaeng tila kalapati na mababa ang lipad. Ang aking naging asawa ay siya lamang na lalaki na aking nakasiping. Magkakasama tayo sa iisang bubong at maaaring magkakasama tayo sa iisang silid, sa iisang higaan. Maaaring mangyari ang lahat ng iyan. Nguni’t walang pilitan, maaaring isuko ko sa iyo ang aking kapurihan, kung iyan ang aking magiging pasiya. Kapag gumamit ka ng lakas at dahas, kaya kong ipagtanggol ang aking sarili; kung kaya’t mag-isip ka muna bago ka gagamit ng dahas,” paliwanag ni Sarah, “ang ating kasunduan ay kasunduang ‘strictly business’, hanggang sa ito ay humantong sa mas mataas pang kategorya,” paliwanag ni Sarah.

Isang gabing umuwi si Romano ay naabutan niyang si Sarah ay naliligo. Hindi nakapinid ang pinto sa silid ni Sarah kung kaya’t nagkaroon ng pagkakataon si Romano na sumilip sa loob ng silid. Narinig niya ang tunog ng tubig na nanggagaling sa dutsa; hindi rin nakapinid ang pinto patungo sa banyo. Bahagyang binuksan ni Romano ang pinto at sumilip sa loob ng banyo. Naaninag niya sa salamin ang hubad na katawan ni Sarah na noong minuto na iyon ay walang kamalay-malay na nagpapasarap sa ginhawang dulot ng maligamgam na tubig at di nalalamang may matang nakakikita sa kanyang nakatutuksong alindog.

Nagdadalawang-isip si Romano kung iiwanan niya ang kapanapanabik na tagpo o ipaaalam niya kay Sarah na siya ay naroroon sa may pinto at humihingi ng permiso na makapasok. Pinili niya na maging matapang at kaharapin kung ano man ang magiging reaksyon ni Sarah. Kinatok niya ang pinto at nagsabi nang, “Sarah, bukas ang lahat ng pinto. Baka ‘kako may nangyaring masama sa iyo.”

“Sandali l’ang. Lalabas na ako,” sagot ni Sarah. At sa ilang sandali, habang si Romano ay nakaupo’t naghihintay ay lumabas si Sarah ng banyo na nakabalot ng bata de banyo ang katawan at ang ulo ay nakabalot ng tuwalya.

Uminit ang katawan ni Romano dahilan sa iniisip na pakikipagtalik kay Sarah na maaaring mangyari noon mismong oras na iyon. Isang pakiramdam na sa araw-araw ay nararamdaman niya, pagnanais na palakas nang palakas ang tindi habang lumalakad ang panahon.

Tumindig si Romano, nilapitan si Sarah, at akmang yayakapin ang babae. “Sarah, handa ka na bang magsilbi bilang housewife?” Hindi na nakatanggi si Sarah, nakipagyakapan kay Romano. Isinuko ang labi, ang katawan, sa mapangahas na labi at mga kamay ni Romano.

Ang mabilis na pangyayari ay naganap sa isipan ni Romano habang nakikipag-usap kay Sarah tungkol sa pag-aapply sa trabaho ng huli. Nasisiyahan siya sa magagandang pangyayaring maaring maganap kapag nagpasiya siyang tanggapin sa trabaho si Sarah.

“Romano!” sabi ni Sarah. “Para kang namamalik-mata. Naintindihan mo ba ang sinabi ko?”

“Ah, e, oo. Ang sabi mo, maaaring humantong sa mas mataas pa na kategorya. . .”

Tinapos ni Romano ang interview at sinabihan si Sarah na siya ay magpapasiya sa darating na bukas.

Kinabukasan ay nag-uusap ang magkaibigang Romano at Tony sa telepono:

“Pare, ibig ko siyang tanggapin sa trabaho nguni’t may mga inaalaala ako. Hindi ko siya kakilala. Totoo kaya ang mga pinagsasabi niya. Baka siya ay magnanakaw. Kukunin ang aking confianza, pagkatapos ay pagnanakawan ako. O baka siya ay serial killer. Gigilitin ang leeg ko habang ako’y natutulog,” kuwento ni Romano kay Tony.

“Iyang laki mong ‘yan ay matatakot ka sa kanya?”

“Pare, kung fu master daw siya.”

“Romano, kung ako ikaw ay tatanggapin ko siya. Palay na ang lumalapit sa manok, ayaw mo pang tumuka.”

Pinag-isipang mabuti ni Romano kung ano ang kanyang gagawin. Kasalukuyang siya ay nag-iisa sa dahilang kahihiwalay niya sa asawa. Kailangan niya na may makasama sa bahay, na may makausap, at may kasama sa mga lakad. Hindi bale na ang pagluluto, paglilinis, at paglalaba. Hindi malaking pangangailangan ang mga iyon. Higit na mahalaga ang may makasalo sa buhay, sa hirap at ginhawa.

May kaya siya sa buhay. May minanang salapi galing sa mga magulang at kasalukuyan ay kumikita ng malaki bilang vice president sa isang bangko. Maaari siyang mangligaw ng mga napupusuang babae sa opisina. Maaaring siya ay maghanap ng makikilala sa mga party o singles bar. Maaari siyang maglakbay, mangibang-bayan, at humanap ng foreigner na mapapangasawa. Isip ni Romano, malaking trabaho ang mangligaw at maghanap ng mapapangasawa. Samantalang heto na si Sarah, volunteer housewife, maganda at tila may laman ang ulo kahi’t na hindi nakapag-aral nang husto.

Nang makapagpasiya na si Romano ay tinawagan sa telepono ang kaibigan niyang si Tony.

“Tony, ang pasiya ko ay hindi. Hindi ko tatanggapin sa trabaho si Sarah.”

“Unbelievable! Pambihira ka, Romano. Palalagpasin mo ang isang napakagandang pagkakataon.”

“Hindi mo naiintidan,Tony. Hindi kami nagkasundo sa suweldo.”

“Bakit, magkano ang gusto niyang suweldo?”

“Isang milyon sa loob ng isang taon, P84,000 buwan-buwan! Gusto pa may life insurance at health insurance, retirement at paid vacation benefits!”

Napatawa nang malakas si Tony. Bago pinintasan ang pasiya ng kaibigan, “Romano, di ko akalaing tatanggihan mo si Sarah. Gago ka, pare. Sorry, pero talagang gago ka, kaibigan! Dahil lamang sa suweldo.”

Nagulat si Romano, bago ang tanong sa kaibigan, “Bakit naman ako naging gago?”

“Mangyari, unang-una, kaya mo namang magpasuweldo ng isang milyon. Pangalawa, hindi mo naisip na mas magastos ang tunay na asawa. Hindi ba kagaguhan ang pasiya mo, Romano?”

Labingdalawang “Bikers”

LABINGDALAWANG “BIKERS”
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz

Alam ninyo ang itsura ng mga “bikers” o motorsiklista. Malalaking lalaki, mabibigat, mahahaba ang buhok. May nakatali na bandana paikot sa noo at ulo at nang ang buhok ay hindi tumakip sa mata o liparin ng hangin. Karamihan sa kanila ay may bigote at balbas.

Sila’y mga tunay na lalaki. Ang edad ay hindi lalayo sa mula 35 hanggang 60 anyos. May-asawa at pamilya. May pag-aaring bahay at isa o dalawang kotse o truck bukod sa motorsiklo. May pinagkakakitaan.

Noong kapanahunan ng 1960 ay kabilang sila sa mga tinawag na “hippies” – mga taong namuhay ng buhay na kontra sa kultura: ang pagsunod sa kanilang laya at hilig, kahi’t na salungat sa kaugalian, kahi’t na hindi popular. May isang pelikula na naglarawan sa kontra-kulturang nasabi.

“Easy Rider”. Ito’y kasaysayan ng dalawang motorsiklista na naglakbay mula California patungo sa New Orleans. Nakatagpo sila ng sari-saring tao at mga karanasan. Hindi maganda ang tingin at turing ng mga tao sa kanila sapagka’t ang ayos nila at takbo ng pag-iisip ay naiiba. May “restaurant”, halimbawa, na hindi sila pinagsilbihan, bagkus ay pinaalis pa. Ang tingin sa kanila ng mga servidora at mga pulis na naroroon ay “basagulero” sila.

Ipinakita sa pelikula ang buhay sa siyudad at inihambing ito sa buhay sa “farm”. Ipinakita ang paggamit ng marihuana, Sa huli ay napatay ng mga “hillbilly” ang magkaibigan. Ang sabi ni Wyatt, na ang gumanap na aktor ay si Peter Fonda, isa sa dalawang pangunahing karakter ng pelikula: “This used to be a hell of a good country. I can’t understand what’s gone wrong with it.” He observes that Americans talk a lot about the value of freedom, but are actually afraid of anyone who truly exhibits it.”

Ang nasyong ito dati ay napakabuti noon. Di ko maintindihan kung ano ang nangyari. Magaling sa salita ang Amerikano pagdating sa pagpuri sa kalayaan. Datapuwa’t takot sila sa taong isinasabuhay ang tunay na kahulugan ng kalayaan.

Ang pagsakay sa motorsiklo at paggaygay sa mga “freeway” at lansangan, ang pagpapatakbo ng mabilis – sa bilis na ang hangin ay humahagipas sa mukha at katawan, na di alintana ang init o ulan o yelo, at malayo sa siyudad, trabaho, pamilya at ang mga nakakasulikasok na alalahanin sa buhay – ito ang tunay na kalayaan!

Ang mga lumaban sa Vietnam at nakabalik sa Amerika nang buhay, bagama’t walang naging kapansanan sa katawan ay may uwing kapansanan sa utak. Naging malupit ang labanan sa Vietnam at ang mga kalagim-lagim na kamatayan ng mga sundalo at pagiging nasa ilalim ng takot ay nakasira sa ulo ng maraming beterano. Marami sa kanila ang nakatagpo ng kapayapaan at kalutasan sa kanilang pagkabaliw sa pagsakay ng motorsiklo.

Nagkaroon ng mga barkadahan, sabihin na nating “gangs”, ang mga mahilig sumakay sa motorsiklo. May mga lakad sila na sila’y sama-sama bilang isang malaking pangkat. Nagkakasundo sila kung saan pupunta, saan titigil upang magpahinga. Sa malalayong pook, sa mga pook na walang bahay at naninirahan, doon sila tumitigil upang magluto, kumain, magkuwentuhan, humitit ng damo, at matulog.

May mga pangkat na ang barkadahan ay nauwi sa pakikipag-away, pakikipagbarilan, patayan kontra sa ibang pangkat. May mga pangkat na nasangkot sa paggawa ng krimen gaya ng pagtutulak ng damo at mga “illegal weapons”.

Nguni’t sa kabuuan, ang mga “bikers” ay mga kagalang-galang na miyembro ng sosyedad. Tumutulong sila sa pagpapanatili ng kapayapaan. Sa pangingilak ng tulong para sa mga maysakit at nagugutom.

Tuwing may ililibing na “war veteran”, at maging sa mga “civic parades”, ang mga “bikers” ay nangunguna sa pila. Nakahanay sila sa unahan ng parade, may mga sabit na “American flag” sa kanilang mga “bikes” at nakikiisa sa ano mang pagdiriwang.

Ang mga motorsiklo ay may mikropono at “headset” kung kaya’t nakapag-uusap ang mga “bikers” habang sila ay naglalakbay. Ang mga motorsiklo ay mayroon ding “stereo radio” o cassette player at sila ay nakikinig sa kanilang mga paboritong kanta habang naglalakbay. “Born in the USA” ni Bruce Springteen ang isa sa mga paborito nilang kanta.

“Born down in a dead man’s town
The first kick I took was when
I hit the ground
You end up like a dog that’s been beat too much
‘Til you
spend half your life just covering up

[chorus:]
“Born in the U.S.A.

“Born in the U.S.A. Born in the U.S.A. Born in the U.S.A.

“I got in a
little hometown jam
And so they put a rifle in my hands
Sent me off to
Vietnam
To go and kill the yellow man

[chorus]

“Come back
home to the refinery
Hiring man says “Son if it was up to me”

“I go down to see the V.A. man
He said “Son don’t you understand”

[chorus]

“I had a buddy at Khe Sahn
Fighting off the Viet Cong

“They’re still there, he’s all gone
He had a little girl in Saigon
I got a
picture of him in her arms

“Down in the shadow of the penitentiary
Out
by the gas fires of the refinery
I’m ten years down the
road
Nowhere to run, ain’t got nowhere to go

“I’m a long gone
Daddy in the U.S.A.
Born in the U.S.A.
I’m a cool rocking Daddy in the
U.S.A.
Born in the U.S.A.”

Isang araw na maganda ang sikat ng araw, napansin ng mga tao na may labing-dalawang “bikers” na nakaupo sa semento sa harapan ng simbahan. Ang eksenang ito ay nakita, naulit, sa maraming simbahan sa kabuuan ng Los Angeles.

Sa loob ng dalawang oras ay hindi kumikilos, hindi nag-uusap, ang mga “bikers”. Nakaupo lamang sila at nakabilad sa araw.

May mga pulis na dumating upang tingnan kung may gulong nagaganap. Nguni’t dahil ang mga “bikers” ay tahimik lamang na nakaupo ay binantayan na lamang sila; habang ang mga tao naman ay nagsimula nang magmasid at magtaka kung ano ang kahulugan ng nagaganap.

Dumating ang mga “TV news crews” at mga fotograpo ng mga diaryo. Kinuhanan nila ng “clips” at retrato ang mga “bikers” na sa dalawang oras ay hindi tumitinag sa kanilang pagkakaupo. Hanggang sa ang mga “TV news” at “radio news” ay ibinabalita na sa himpapawid ang nakapagtatakang pangyayari.

Tumayo at tahimik na lumisan ang mga “bikers” makalipas ang dalawang oras na walang paliwanag sa kanilang ginawang “demonstration” ba o protesta?

Napansin ng mga pulis at mga tao na sa bawa’t lugar na inupuan ng labingdalawang “bikers” ay may iniwan silang isang putol ng tinapay at isang isda.

Pagkakita sa iniwang tinapay at isda ay lalong lumalim ang misteryo. Nagkamot na lamang ng ulo ang mga pulis, ang mga tao, at ang mga taga-“media”.

Ano kaya ang ibig sabihin nito?

Ang mensahe, ang lihim, ay ang mga “bikers” lamang ang nakaaalam.

Ang Kapangyarihan ng Kanyang Pag-ibig

Overseas worker si Manuel sa Saudi Arabia. Dalawang taon na siyang naka- destino doon bilang accounting clerk ng isang malaking korporasyon.

Sa ibang bayan nakatatagpo ang mga taga-Pilipinas ng higit na magagandang kapalaran kaysa makikita sa sariling bayan. Kakaunti ang pagkakataon at mahirap na umunlad sa sariling bayan.

Isa sa maraming Pilipino si Manuel na sa ibang bayan nakahanap ng maayos na ikabubuhay. Naisipan niya na mangibang-bayan at nang mapabilis ang pag-iipon ng perang pangkasal, pati na ang pambayad sa upa sa isang karaniwang tahanan, sapagka’t ibig na niyang lumagay sa tahimik, na mapakasal kay Leonor, ang limang taon na niyang kasintahan. Masakit man sa kanyang kalooban ang mapawalay kay Leonor at ang mapalayo sa kanyang mga magulang at kapatid, nagpasiya si Manuel na magtrabaho at magtiis kahi’t na kung saang lupalop ng mundo.

Mahusay na empleyado si Manuel. Matalas ang kanyang ulo at masipag. Bukod-tangi, isa siyang nilalang na tunay at buo ang relasyon kay Hesu Kristo. Madasalin siya at mapagbasa ng Bibliya. Dala, marahil, ng marubdob niyang paniniwala sa kapangyarihan ng Diyos, nakapanggagamot si Manuel sa mga maysakit.

“Pastor” ang tawag sa kanya ng mga kasamahan sa trabaho. Naaangkop na bansag sapagka’t sa tuwing magsasalo-salo sila o may ano mang pagtitipon ay siya ang namamahala sa pagdadasal ng pasasalamat sa Diyos. At sa ibang pagkakataon naman ay binabasahan niya ng Bibliya at binibigyan niya ng gabay ang kanyang mga kasamahan.

Kung may nagkakasakit at lumalapit sa kanya upang gumaling sa pamamagitan ng dasal, tinatanggap ni Manuel, sa loob ng kanyang pamamahay, ang ganoong mga nangangailangan ng tulong.

Maraming bawal sa Saudi sa dahilang naiiba ang kultura at relihiyon ng mga tao doon. Kinailangang makibagay sina Manuel at ang kanyang mga kasamahan sa naiibang kaugalian at nang sila ay hindi mapasama.

Bilang halimbawa, ang lalaki doon ay hindi maaaring makipag-usap sa babae, o di kaya ay makitang may kasamang babae sa lansangan, maliban na lamang kung ang babae ay ang kanyang asawa.

Ang mga babae ay nagsusuot ng itim na itim o di kaya ay puting-puting damit na sa luwang at haba ng materyales ay nababalot ang buong katawan nila, maging ang mukha. Ang bahagi lamang na walang takip ay iyong sa harapan ng mga mata.

Bawal kumain ng baboy. Bawal uminom ng alak. Kung kakain ng baboy o iinom ng alak, ginagawa iyon sa loob ng sariling pamamahay.

Pinaka-matindi sa lahat ng bawal ay ang paghahayag sa salita ni Hesu Kristo, ang pagbasa sa Bibliya, o ang pagdiriwang ng mga ritwal na pang-Kristiyano sa harap ng publiko, upang makaakit ng mga disipulo .

May gumagala sa paligid na mga kawani ng religious police na ang katungkulan ay ang mag-abang at manghuli ng mga lumalabag sa mga kautusan at kaugalian ng relihiyong Islam. Walang pinag-iba ang ganitong pamamalakad doon sa paghuli ng pulis sa mga drivers na lumalabag sa road o traffic rules.

Kaiingat din sa mga karaniwang mamamayan na maiinit ang mata at pakialamero na nagsusumbong sa mga pulis kapagdakang may nakita silang lumalabag sa mga kautusan.

Hindi lingid sa kaalaman ni Manuel na sa Saudi ay bawal ang magturo at magpalaganap ng ibang relihiyon, bukod sa Islam. Ang parusa sa paglabag sa nasabing kautusan ay ang malagim na kamatayan sa pamamagitan ng pagpugot sa ulo.

Kung kaya’t si Manuel ay maingat na ginagampanan ang kanyang pagiging “pastor” at nagtuturo at binabasahan ng Bibliya ang mga kasamahan, tuwing araw ng pangiling, doon lamang sa loob ng kanyang pamamahay.

Sa Maynila ay waitress si Leonor sa isang sikat na Chinese restaurant. Maganda siya. Katamtaman ang taas, kayumanggi, mahaba ang buhok, at ang katawan ay busog sa pagmamahal. Hindi nakapagtataka na umibig sa kanya si Manuel.

Bagay silang dalawa. Masasabing guwapo si Manuel, kahi’t na siya ay may kaitiman. Tama lamang ang taas niya; hindi matangkad, hindi rin mababa. Matipuno ang kanyang pangangatawan, mapuputi at malulusog ang ngipin, at palaging may ngiti sa mga labi. Makatawag-pansin ang dimples niya sa magkabilang pisngi.

Nagkakilala ang dalawa sa isang prayer meeting sa Makati na kapuwa nila dinaluhan. May magandang tinig si Leonor. Sa mga nasabing prayer meetings ay madalas na si Leonor ang nangunguna sa pag-awit ng mga himno. Sa kadalasan ng pagkikita nila, at palibhasa ay magkalapit ang kanilang mga bahay na inuuwian sa Quezon City, naging laging magkasabay sa pag-uwi sina Leonor at Manuel. Naging malapit sila sa isa’t isa ; hanggang sa dumating ang araw na nakapaglakas ng loob ang binata at naipagtapat sa babae ang kanyang paghanga at mataimtim na pag-ibig. Sinagot naman siya ni Leonor ng isang matamis na “Oo”.

Isang araw ay may lalaking pumasok sa restaurant upang kumain. Si Leonor ang sumalubong.

“Manuel, bakit ka narito?” Gulat na gulat na salubong ni Leonor sa lalaki.

“Ah, e . . .”

“Hindi, bale. Mamaya mo na ipaliwanag. Siguro gutom na gutom ka na. Umupo ka at dadalhan kita ng pagkain.”

Sa kusina ay ibinalita na ni Leonor ang pagdating ni Manuel. Ang lahat ay nagsigawan ng “Welcome, Manuel” at nagalak sa magandang sorpresa. Hindi mailarawan ang kaligayahan at pananabik ni Leonor.

“Uy, may ka-loving loving na si Leonor,” biro ng mga kaibigan.

Habang nakaupo at kumakain ang lalaki ay di mapigil ni Leonor ang yakapin siya at halikan sa pisngi, sabay bulong, “Magpapaalam ako sa aking boss, at nang makasabay na ako sa iyo sa pag-uwi.”

Walang tigil ang kuwento ni Leonor. “Magugulat tiyak, pero matutuwa si Inang. Palagi ka nga niyang kinukumusta sa akin. Bakit hindi ka muna tumawag sa telepono?”

Nakakain ang lalaki at pagkakatapos ay nagbayad na at tumayo sabay nagpasalamat sa manager.

Sa may pintuan ng restaurant ay nag-aabang na si Leonor at handa nang lumakad. Inabot niya ang kamay sa lalaki at lumakad sila na magkahawak ang mga kamay.

“Sinorpresa mo ako nang husto, Manuel. Bakit di ka nagsabi na ikaw ay uuwi?”

“Mangyari ay . . .”

“Hay naku, Manuel, pinaligaya mo ako!”

Kinawayan ng dalaga ang isang taxi driver. Hinatak ang lalaki na sumakay na at sila’y mabilis na inihatid ng driver sa patutunguhan.

Sa kasabikan ni Leonor ay siya na ang nagbigay ng direksyon sa driver. “Sa Golden Gate sa Pasig, mama.” At habang nasa taxi ay walang tigil ang himas at satsat ni Leonor.

“Siguro ay marami ka nang naipon at tayo’y pakakasal na. Sasabihan ko ang ating mga kaibigan. Kanino ko kaya ipatatahi ang trahe de boda?”

“Saan mo nga pala iniwan ang mga bagahe mo? Hindi, bale, mamaya na natin pag-usapan”.

Sa Golden Gate Motel, sa loob ng malamig na silid, ay nagkaroon ng pag-iisa at katahimikan ang magsing-irog na matagal nang hindi nagkikita. Nag-aapoy ang damdamin ni Leonor. At ang lalaki na sa una’y maligamgam lamang ang pakiramdam, sa gayong pagkakataon, ay hindi maaaring hindi mag-init na rin sa pananabik. Nilinggis niya sa yakap ang babae at binigyan siya ng maiinit na halik.

Maya-maya, sabi ni Leonor, “Hintay muna.” At siya ay naghubad ng damit. Pagkakatapos ay hinubaran ng damit ang lalaki. Inakay niya siya patungo sa bathroom.

At doon ay nagsalo sila sa paliligo sa ilalim ng dutsa na nagsabog ng maligamgam na tubig sa kanilang mga nagbabagang katawan.

Di nagtagal at itinanghal sa gitna ng malambot na kutson ang pag-iibigan ng isang Eba’t isang Adan na kapuwa punung-puno ng pananabik, panggigitil, at pagkawala sa sarili. May malaking salamin sa kisame, sa tapat ng kama, at ito’y ang naging natatanging saksi sa pagtatalik ng nag-iibigan.

Napakakinis ng balat ni Leonor. Nagpasasa ang lalaki sa paghaplos at paghalik sa katawan ng babae. Si Leonor naman ay maligayang pinisil-pisil ang matipunong braso, dibdib, at likod ng lalaki.

Ang diwa nila kapuwa ay naglakbay patungo doon sa dulo ng kalawakan, sa pinakarurok ng kaligayahan, na kung saan sukdulan ang mararamdamang kasiyahan at katubusan.

Tila lasing ang lalaki at labas-pasok ang katuwiran sa kanyang isipan.
Ang nagaganap ba ay katotohanan o guni-guni? Ginugunita niya ang simula ng kanilang pagkikita noong araw na iyon at tinutunton niya ang bawa’t isang hakbang na nagdala sa kanya sa kasalukuyang kinahahantungan. Di siya makapaniwala. Nasabi na lamang sa sarili, “Hindi ko maintindihan kung paano ako napasok sa ganitong kalagayan, nguni’t di bale; Leonor, Leonor, kay ganda mong nilalang! Nakababaliw ang iyong bango at kariktan!”

Sa paghaplos sa katawan ng lalaki ay napansin ni Leonor na ang tato ni Manuel sa likod, sa gawing kaliwang paypay, ay wala. Tumakbo nang mabilis sa kanyang

isipan: “Marahil ay ipinabura niya. Baka bawal sa Saudi ang tato. Mamaya ko na siya tatanungin.” Sa pagkakataong iyon ay di mahalaga ang pangungusap. Di mahalaga ang paliwanag.

Mabilis ding sumagi sa isipan ng babae ang kasal. Mamaya ay pag-uusapan namin kung kailan idadaos. May dala kaya siyang singsing pangkasal? Sinu-sino ang aming magiging ninong? Paano ang trahe de boda? Ipatatahi ko ba o bibilhin na yari na . . . At sa pagkakataon ngang iyon na panginoon ang pananabik at ang pagpapalaya sa mga nag-iinit na damdamin sa loob ng katawan ay naging lapat ang mga labi ng dalawa at ang nangusap ay ang kanilang mga yakap, haplos, at halik sa isa’t isa.

Samantala, sa mismong oras na si Leonor ay nagtatamasa ng walang maliw na kaligayahan sa paraiso ng pag-ibig, sa Saudi Arabia, sa kainitan ng tanghali, sa gitna ng isang plaza, sa harapan ng isang malaking pulutong ng manonood, ay may isang lalaking nakabalot sa isang itim na kasuotan na akay-akay sa magkabilang panig ng braso ng dalawang guwardya. Sa isang nahirang na lugar ay huminto sa paglalakad ang pangkat. Pinatigil at pinadapa ang nakasuot ng itim na ang ulo niya ay nakakatang sa isang malaking bilog na kahoy na tila tadtaran.

May mga Pilipino sa nasabing pulutong ng manonood. “Ano ang kanyang nagawang kasalanan?” tanong ng isa sa mga manonood sa kanyang kasama.

Karaniwang bago maganap ang isang pagpugot ng ulo, may pina-iikot na sasakyan ang mga maykapangyarihan, na sa pamamagitan ng loudspeaker ay inihahayag sa madla ang magaganap na pagpapataw ng parusa sa isang kriminal.

Sa pagkakataong ito ay hindi mawatasan ang kalatas sa dahilang magaralgal ang tunog ng loudspeaker.

Nagbubulungan ang mga magkakasama.

“Nagkamali siya sa pagiging matulungin. Iyong batang maysakit na ibig niyang pagalingin sa pamamagitan ng dasal ay hindi Kristiyano kundi anak ng mag-asawang Muslim. Hindi gumaling ang bata; bagkus ay lumubha pa ang karamdaman at namatay. Isinisisi sa kanya ang pagkamatay ng bata.”

“Walang paglilitis. Napakabilis ng mga pangyayari. Dinakip siya, ikinulong, at hinusgahan kaagad na may sala. Ang mga pulis na dumakip sa kanya ay sila na ring naging hukom at tagapag-bigay ng kaparusahan.”

“Kaawa-awa naman!”

“Pilipino ba, pare?”

Itinatago ng pupugatan ang kanyang leeg. Ang mga ganitong pupugutan ay pinaiinom ng gamot na pampakalma. Malagihay na ang pakiramdam ng tao. Wala

nang takot. Hindi na makapalag. Hindi na makasigaw. Nguni’t ang taong ito ay umuusal ng dasal at pinaiikli ang leeg at nang hindi ito kaagad mapuntirya ng berdugo.

Ibig niyang tapusin ang kanyang dasal: “Panginoong Hesu Kristo, Ikaw ang Panginoon sa buong universo; mamamatay ang aking katawan, nguni’t mabubuhay ang aking espiritu, sasama sa Iyo, Panginoon, sa Iyong Kaharian. Alay ko sa Iyo ang aking buhay.”

Bago, gamit ang natitirang lakas at sandali, isinigaw ng tao ang kanyang huling panambitan. Bago bumagsak ang matalas na espada sa kanyang batok, nabitawan ni Manuel ang ganitong pangungusap:  “Leonor, pinaka-iibig kita!”

Sa mabilis na sandali, si Manuel ay pinugutan ng ulo ng berdugo. Parusa ito, kaparusahang kamatayan, sa kasalanang pagpatay sa isang batang wala pang kamalayan, at sa pagkakalat ng Kristiyanismo sa lupain ng Islam na labag na labag sa paniniwala at pag-uutos ng relihiyon ng Saudi Arabia.

Percival Campoamor Cruz


N
agtapos ng Master’s in Business Admininistration (MBA) sa University of the Philippines; nasa pamatnugutan ng Philippine Collegian at The Guilder. Nagwagi ng unang gantimpala, maikling dula, “Kalupitan ng Nakararami“, 1963 Andres Bonifacio Centennial sa pagtangkilik ng Lungsod ng Maynila. Naging advertising executive ng Delta Motor Corp. (Toyota) – Reach, Inc. Lumikha ng mga newspaper, radio-TV ads para sa Toyota, Philippine Charity Sweepstakes Office, Philippine National Bank, Frigidaire, Hooven Aluminum, Zest-O, Mariwasa Tiles, Sharp, Pacific Memorial Plan, Sinclair Paint, at marami pang ibang institusyon at produkto. Producer, chief writer ng humigit-kumulang na dalawang-daang telenobela na lumabas sa Channels 2, 4, 7, 13 sa Pilipinas sa ilalim ng mga sumusunod na TV show titles – “Sa Paghawi ng Tabing” (host: Jaime dela Rosa); “Quiapo” (host: Eddie Rodriguez); “Hiyas” (host: Rio Locsin). Naging columnist ng Manila Bulletin (“Business Travel”) sa ilalim ng pamamatnugot ni Cornelio de Guzman. Kasalukuyan ay naninirahan sa Burbank, California at sumusulat ng mga maiikling kuwento para sa Asian Journal, ang pinakatanyag na pahayagan sa Amerika para sa Pilipino.

 

Alberto Segismundo Cruz

He was a Filipino poet, short story writer and novelist. Three of his novels have been published by Ateneo de Manila Press – Piling Nobela : Lakandula, Halimuyak, Ang Bungo (1997). Three novels that present the causes of the people’s misery. Written by the notable multi-awarded fictionist during the American Occupation.

Soledad S. Reyes of Ateneo de Manila University wrote: “The interconnectedness between the past and the present was a theme familiar to many Filipino writers who, in a variety of ways, argued the need to remember the past. Francisco Laksamana, Faustino Aguilar, Lazaro Francisco, Alberto Segismundo Cruz, Macario Pineda, and even Fausto Galauran, among others, constructed narratives enjoining the readers not to be dazzled by the present, but to remember the heroic and noble past of their forefathers.”

Born in Sta Cruz, Manila, Philippines, he wrote for Bulaklak, Liwayway, Silahis, Kislap, Tagumpay – the country’s leading weekly magazines during his time. Was Poet Laureate of the Republic of the Philippines in 1947. Won the Commonwealth
literary awards in the 1940s and the Rizal Centennial Literary Awards in 1961. His contemporaries were Amado V. Hernandez , Fausto Galauran, Simeon Mercado, Nemesio Caravana and Liwayway Arceo, among others. He was one of the best 50 writers of the Philippines .

He finished high school at the Manila North High School, now Arellano High School, in Sta. Cruz, Manila. He was in the same class (1922) as Lorenzo Sumulong, revered Philippine senator. He went to the University of the Philippines and National University, where he obtained his A.A. degree from the latter. He finished his law studies at the Philippine Law School and became a member of the Philippine Bar in 1939.

His literary and journalism career.  As a newsman and writer, he was a member of the pre-war TVT Publication (Taliba-La
Vanguardia-Tribune). He covered Malacanang, the Philippine Presidential Palace, the Senate and Congress. He contributed countless articles, features, short stories to the newspapers and magazines of his time. He was one of the few
prolific writers in both English and Filipino.

Holder of the Literary Award Record in short story and poetry in the pre-war Taliba and Liwayway

Winner,
Commonwealth Literary Contest (1940)

Novelist of the Republic for his novel “Muling Pagsilang” (1942), adjudged by a juror headed by the illustrious
senator and writer, Claro M. Recto

Poet Laureate of the Republic (1947), with Simeon Mercado

Winner,
book-essay, Rizal National Centennial Commission (1961), with Leopoldo Yabes

Winner, poetry, Rizal National Centennial Commission (1961)
1975 Palanca Awards – “Sino ang Bulag at Iba Pang Tula”

As a lawyer, he was associated with Atty. M. V. Roxas and Sen. Francisco Soc Rodrigo. He was in the Press Relations Division and also the Legal Division of the Office of the President of the Commonwealth from February 10, 1939 till December 31, 1941.

He was corrector of style and professor in Filipino and translation technique at the National Assembly (1942). He was Inspector General of the National Land Settlement Administration from March 24, 1948 to December 31, 1949.

He was appointed Justice of the Peace for Indang-Inopacan, Leyte on August 16, 1951, but did not serve due to his commitments in the country’s capital, Manila.

He was special attorney and legislative researcher at the Philippine Senate from March 1, 1951 until he retired from government service in 1961.

Service to the government and country. As the first accredited vernacular newsman in Malacanang, he was the first newspaperman welcomed by President Manuel L. Quezon to write and translate his speeches, addresses and pronouncements into the National Language, making it possible to bring the message of the Chief Executive and make it better understood by the people. To-be-president Diosdado Macapagal was in the same press relations office in Malacanang, at that time.

As lawyer of the Tondo Foreshore Residents’ Association, he was instrumental in the preparation of a bill that granted the right to thousands of poor bonafide occupants of the Tondo foreshore area to purchase the lots they had occupied since Liberation on an installment plan basis. He argued for them in the hearings until the bill became Republic Act 559, benefiting thousands of families in the Tondo foreshore area.

Inspired by the late Claro M. Recto and Jose P. Laurel, he initiated together with Jose Villa Panganiban, who became Director of the Institute of National Language, the project to translate into Filipino all acts and resolutions of the Congress of the Philippines in order that the people may understand better their rights and obligations as citizens.

Alberto immigrated to the United States in the mid-1960s to be with his children and grandchildren. His last work was “Sariling
Parnaso”,
a collection of poems. He had ten children, who all immigrated to the United States .

 

 

 

 

Makinis at Bughaw ang Kabibi

Kuwento ni Alberto Segismundo Cruz

Kinailangan muna ng Tadhanang maulila ako sa aking inang-suso bago mapaharap sa pakikipagsapalaran sa dibdib ng karagatan. Katulad ng ibang “lamang-dagat” ay nabuhay ako’t umunlad sa pagpapala ni Neptuno. Nasasaliksik\ ko ang burak sa kailaliman; naging kalaruan ko ang maliliit na isda, lalo na ang mga isdang gintong nagbibigay ng kulay at ligaya sa “tanghal ng
Katalagahan” sa tubig na kakulay ng abuhing langit; at naging taguan at kublihan ko ang halamang-dagat at lumot kung dumarating ang mga maninilang pating at iba pang dambuhala ng karagatan.
Continue reading Makinis at Bughaw ang Kabibi

May Bagwis ang Pag-ibig


Kuwento ni Percival Campoamor Cruz

Kabanata 1 – Nangyari ang isang hiwaga

Malalim na ang gabi ay di pa nakauuwi si Tatay Dencio. Inip na inip na sa paghihintay si Kiko at si Neneng. Gutom na sila at walang mainit na pagkain. Ibig na nilang matulog upang malimutan ang gutom at ang pangambang baka may nangyaring masama sa kanilang ama. Nguni’t di sila makatulog.
Continue reading May Bagwis ang Pag-ibig

Contemporary and Vintage Short Stories