Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Humahangos ang mga pulis nang dumating sa tindahan ng alahas. Nakatanggap sila ng emergency call na ang tindahan ay napagnakawan ng pinaka-mamahaling alahas nila. Naabutan ng mga pulis doon ang mga paramedic na nilalapatan ng CPR ang isang may edad na lalaki.
Nagbalik ang malay ng lalaki nguni’t ayon sa kanyang mga vital signs ay nagpasiya ang mga paramedic na makabubuti na siya ay madala na rin sa ospital.
Ang My Lady Jeweler ay isa sa mga sikat na tindahan ng alahas sa Makati, ang pinaka-mayamang pook sa Kalakhang Maynila. Ayon sa pinagsama-samang salaysay ng mga empleado ng tindahan ay ganito ang nangyari:
Abala ang mga empleado sa pakikiharap sa mga dumating na customers. Si Mr. Jose Pacia, may-ari ng tindahan, humigit-kumulang sa 60 ang edad, ay nagmamasid, gaya ng naging kaugalian niya.
May mga taong dumating na nakipagkita kay Mr. Pacia sa kanyang opisina. Karaniwan na ang mga ibig makipagkita kay Mr. Pacia ay mga taong kailangan niyang makausap, kaugnay sa pagpapatakbo ng tindahan; at di na pinapansin ng mga empleado ang pasok at labas ng mga bisita niya, bagkus at abala sila sa pakikitungo sa mga customers. Kung sino man ang dumampot at nagbulsa ng nawawalang alahas ay tiyak na isa sa mga naging bisita ni Mr. Pacia nang araw na iyon. Nguni’t kung sino ay ang malalim na misteryo.
Napuna ng isang empleado na may di pangkaraniwang nangyari nang kuliling nang kuliling ang telepono ni Mr. Pacia sa opisina niya nguni’t wala namang sumasagot dito. Sumilip siya sa opisina ni Mr. Pacia, nguni’t walang tao doon. Hinanap niya si Mr. Pacia sa men’s room; wala rin siya roon. Naisip niyang pumunta sa silid na sekreto, sa likod ng tindahan, na si Mr. Pacia lamang ang nakapapasok. Doon niya itinatago ang pinaka-mamahaling alahas at ang mga batong hindi pa nagiging alahas. Natuklasan ng empleado na hindi nakakandado ang pinto. Nang itulak niya ito at sumilip sa loob ng silid ay nakita niya si Mr. Pacia na
nakahiga sa sahig, at tulog na tulog na tila sanggol na may bahagyang ngiti pa sa labi.
Agad ay humingi ng tulong ang empleado. Isa sa kasamahan niya sa trabaho ay pinulsuhan si Mr. Pacia at nang matiyak na ito ay buhay pa ay kinalong ang ulo nito sa kanyang kandungan at malumanay na sinubukang gisingin ito. Samantala ay may isa namang empleado pa na tumawag na ng ambulansiya.
— Tumawag kayo ng pulis! Napagnakawan tayo! — ang unang nasabi ni Mr. Pacia nang siya ay magkamalay.
Kinabukasan ay sumabog sa pahayagan, radyo at TV ang naganap na pagnanakaw ng alahas sa My Lady Jeweler na nagpamangha sa mga pulis at reporter kung paano nangyari at kung sino ang may gawa.
Ayon sa saysay ng Mrs. ni Mr. Pacia nang ito ay kapanayamin ng pulis at press, naiiba ang pagnanakaw na naganap dahil sa walang ebidensyang naiwan ang salarin at wala ring testigo na nakakita sa nangyari. Walang pwersang ginamit; walang get-away car, walang manloloob na nakatakip ng hood ang ulo na nakita sa paligid. Tanging si Mr. Pacia lamang ang makapagsasabi, nguni’t batay sa kanyang saysay ay wala ring magagamit na information ang mga pulis.
Sa loob ng silid na sekreto ng tindahan ay may manekin ng babae na nasusuotan ng makikinang na alahas. Dito sa silid na ito ipinakikita ni Mr. Pacia ang pinaka-mamahalin at pinaka-pambihirang alahas niya sa piling-piling customers lamang. May isang customer daw na lalaki, ayon kay Mr. Pacia, na naka-Amerikana at isang banyaga (foreigner), ang nakipagkita sa kanya sa opisina, matapos na ito ay humiling ng appointment sa telepono, isang oras bago dumating; at sa loob daw ng silid na sekreto, habang nagpapakita siya ng alahas, ay nagbuga ang lalaki ng isang spray sa kanyang mukha. At wala na siyang natatandaang iba pang nangyari pagkatapos nito . . .
(May karugtong)
Comments are closed.