Maikling Kuwento ni Alberto Segismundo Cruz
Kinailangan muna ng Tadhanang maulila ako sa aking inang-suso bago mapaharap sa pakikipagsapalaran sa dibdib ng karagatan. Katulad ng ibang “lamang-dagat” ay nabuhay ako’t umunlad sa pagpapala ni Neptuno. Nasasaliksik\ ko ang burak sa kailaliman; naging kalaruan ko ang maliliit na isda, lalo na ang mga isdang gintong nagbibigay ng kulay at ligaya sa “tanghal ng
Katalagahan” sa tubig na kakulay ng abuhing langit; at naging taguan at kublihan ko ang halamang-dagat at lumot kung dumarating ang mga maninilang pating at iba pang dambuhala ng karagatan.
Nguni’t habang lumalao’y napapansin kong ako’y dumirilag, at kasabay ng aking pagdilag ang kakinisan at bahagyang kabughawang parang naipamana sa akin ng tubig na bughaw. At, habang lumalao’y sumisigla ako – nagpapagulung-gulong sa dibdib ng karagatan kung maalon ang tubig, napatitilapon akong sadya sa salpok ng alon kung napapaspas ng buntot ng malalaking isda’t nagpapaanod naman kung may malakas na daluyong na nagbubuhat sa kung saang panig ng dagat, lalo na’t lumalaki ang tubig.
Sa pagbabagu-bago ng panig na aking nararating ay umabot ako sa isang dako na ang tubig ay kasiya-siya sa aking pandama. Sa unang pagkakatao’y nasiyahan ako sa aking buhay, sapagka’t sa palagay ko’y lumusog ako’t lalo pang dumilag. Malimit kong mapuna ang maraming isdang parang namamalikmata sa akin, aywan kung sa aking hugis o kulay, datapuwa’t. . . dami ng umaaligid na “kaibigan” sa akin. Kabilang sa mga kaibigang ito pati ang mga isdang-bituing nakikiagaw ng katangian sa iba pang lamang-dagat na “nawawalang bigla” sa aming sinapupunan upang maibilanggo sa “aquarium”.
Hindi nagtagal at ang tubig na aming kinaroroona’y narating ng mga maninisid. Akala ko’y nagsisipaligo lamang sila o
may “tinutugis” na salaping inihahagis buhat sa mga sasakyang-dagat na malimit na ambulahaw sa aming katahimikan, lalo na’t kung malaki ang elise. Nguni’t ang mga maninisid na iyon pala’y nagsisihanap ng mapapakinabangang hiyas sa pusod ng karagatan. Kapiling ko’y isang malaking taklobo na may iniingatang magandang mutya. Akala ko’y ang hiyas na ito ang kanilang lunggati; datapuwa’t. . . sa aba ng aking palad! Nang mabatid ko ang mapait na katotohana’y huli na sa panahon at di ko na kaya ang magpumiglas pa. Isang binatang maninisid na kayumanggi ang balat at may malalakas at matitibay na daliri ang dumampot at biglang “nagbilanggo” sa akin sa kanyang palad, at bago ako nakahinga sa nabaon kong tubig ay nabatid kong tinamaan na ako ng liwanag ng araw sa ibabaw ng karagatan.
Simula na ang pangyayaring ito ng aking panghihina. Naramdaman kong ang aking katawa’y natutuyo’t kasabay nito’y ang panghihina hanggang sa nabatid kong walang malalabi sa aking pagka-suso kundi ang aking marikit na pabalat o pinakakabibi, na siyang mahalaga sa mata ng mga nakamamasid na sa akin.
— Magandang suso ito! Mahigit sa perlas, hiyas na angkop sa isang Mutya, sapagka’t taglay niya ang bughaw na kumikislap ng karagatan! — anang maninisid na nag-ingat sa akin nang buong pagsuyo.
Palibhasa’y isang binatang di-binyagan ang “nagbilanggo’t” nag-ingat sa akin ay inilagay ako sa isang supot-suputang anaki’y gamusa, at sa kanyang dibdib, na di kalayuan sa tapat ng puso’y doon ako napatalaga. Akala ko kung gabi, ako’y nasa pusod pa rin ng karagatan at inaalon, datapuwa’t natiyak kong ang tibok ng puso pala ng binata ang nakatitigatig sa akin.
Para kong naririnig ang puso niyang nagsasalita, lalo na sa mga sandali ng pag-iisa o kahi’t na sa kanyang pagtulog. May ngalang binabanggit at inuusal!
Ngalan ng isang dalagang binyagan, sapagka’t kung “binibigkas” niya ito’y nakatanaw siya sa malayo – sa kabila ng mga abuhing bundok, sa ibayo ng malaking lawa, sa kabila ng mga puno ng saging at abaka. . . doon sa ang bahaghari’y tila mahahagdan buhat sa langit hanggang sa dakong iyon ng mahiwagang pook.
— Marina!. . . — iyan ang sa wakas ay narinig ko sa kanyang labi. Iyan ang pangalan ng dalagang lihim niyang sinusuyo.
Paano’y isa siya, si Tulawi, ang binatang di binyagan, sa mga nahirang upang mag-aral sa gugol ng pamahalaan sa high school sa Sambuwangga, hanggang sa magkasabay silang magtapos, ni Marina. Nguni’t ang ama ng dalaga’y nagpauna sa mga pinuno ng paaralang-bayan. Nagpasiya ang ama niyang taga-Luson at taliba noon sa parola sa dako ng Sulu na pabalikin na sa sariling lalawigan, ang dalaga upang dito na magpatuloy ng pag-aaral, sa pagtangkilik at pangangasiwa ng isang mayamang ale at matandang dalaga.
Nang sumakay na sa isang bapor ng “Compania Maritima” si Marina’y inihatid ng langoy ni Tulawi buhat sa daungang kinatitigilan ng tinurang sasakyang-dagat. Akala ni Marina’y hindi makararating si Tulawi sa malalim na karagatan sa pagsunod sa kanya. Gayon na lamang ang kaba ng kanyang dibdib. Lalong naging rosas ang mala-rosas niyang pisngi! Lalong dumilag ang mga mata niyang nag-iingat ng isang makapal na aklat ng mga lihim ng kabataan.
Kinumpasan niya si Tulawi upang magbalik na, upang huwag nang sumunod at baka mapahamak. Nababatid ni Marina na
sa bughaw na tubig na yao’y may mga maninilang pating. Maaaring mapahamak ang binatang di-binyagan na natitiyak niyang baliw na baliw sa pag-ibig sa kanya. Sa wakas, ay nabatid niyang may ibig palang ibigay lamang ang binatang umiibig. Itinaas ni Tulawi ang isang kamay sa tubig at sa tama ng maningning na araw ay napatanghal ako, akong isang maliit na suso ni Neptuno, na nakapagpasabik sa mata ng magandang paralumang naglalayag.
Tumango sa kasiyahan si Marina’t sa isang iglap, si Tulawi’y napansin ng mga pasaherong nangungunyapit na sa pinakatimon ng malaking sasakyang-dagat. Gayon na lamang ang pangamba ng lahat at pati kapitan at timonel ay nagsisigaw na sa takot ngang baka abutin ang elise ng pangahas na maninisid. Datapuwa’t napansin nilang nalulugod ang isang magandang dalagang sakay at patungo sa dako ng timon upang abutin ang nasa kamay ng binatang moro, dili iba’t ako nga, ang makinis at bughaw na kabibi. — Salamat! — at hinagkan ako ni Marina nang sumapalad na niya.
Sa halik na iyo’y nalimot ni Tulawi na siya’y nakakapit lamang sa lubid na dagusdusan sa dako ng timon. Akala niya noo’y nasa balantok siya ng bahaghari’t kausap ang kanyang prinsesita o ang pinapangarap niyang maging dayang-dayang, sa sandaling ang kanyang ama’y kilalanin nang makapangyarihang Sultan ng Sulu. (Ako nama’y nakisama na rin ng kasiyahan sa bangong aking nalanghap!)
Katulad ng lahat ng di-binyagang pangahas, lalo na kung nais na magpakilala ng giting o pag-ibig – sa pinag-uukulan ng dakilang damdamin, si Tulawi’y di man nabahala na ang bapor ay nasa malalim nang panig ng karagatan at sa kalalimang ito’y naglipana na ang mga dambuhala sa tubig. —Tulawi! — at iniwasiwas ni Marina ang kanyang panyolito.
Naulinigan ko ang sigaw na muli ng kapitan at ng timonel sa gitna ng panggigilalas at pangamba ng mga pasahero sa maaaring mangyari pag nagkataon, sa binatang moro.
Sa wakas ay umalinsunod din si Tulawi sa dapat na mangyari. Bumitaw siya sa pagkakakapit sa sasakyang-dagat sa dako ng timon at pasirko pang sumisid sa karagatan. Noo’y malamlam na ang araw. Mandi’y may balitang patungo sa pagsama ng panahon. At, ang mga langay-langaya’y nagsisipaghabulan na sa abuhing himpapawid.
Pakiwari ko’y, sa paglangoy ni Tulawi’y nakasagupa ng isang maitim na bagay na nang makaiwas siya’y iyon pala’y maninilang pating. Binilisan niya ang paglangoy, sa pangambang baka siya pagbalikan pa ng dambuhala. Matapos ang mabilis na kampay ng kanyang mga kamay may unti-unti siyang nanghina at inabot ng pulikat. Sumigaw siya subali’t nilunod lamang ng malakas na hangin ang kanyang tinig, itinaas niya ang kamay, datapuwa’t walang nakapuna man din kundi ang mga dahon ng niyog sa
malayo pang pampangin na kukunday-kunday lamang sa hanging-habagat. Sa wakas ay namulikat ang kanyang mga paa. Hindi na siya gaanong nakagalaw! Noon niya nagunita si Marina, kaya’t sumigaw nang ubos-lakas. — Marina! – at tuluyan nang lumubog.
Ang mga bulubok ng tubig ay kaakit-akit sa malamlam na dapit-hapong nakiki-ugali man din sa mga huling pangyayari. At, makaraan ang ilang saglit pang pagkatigatig ng kabughawan ng tubig na naging abuhin na rin sa kalamlaman ng dapit-hapong yaon, ay lumaganap naman ang kapulahang nagbabalita ng malungkot na wakas ni Tulawi. Pagkatapos, ay may umigtad sa tubig . . . igtad na mapagtagumpay ng isang maninila sa karagatan!
. . . At parang pinagtiyap ng Tadhana, sa sariling kamarote ng bapor, si Marina’y nagdarasal nang matiyak na yaon na ang oras ng “Angelus”. Sa kalagitnaan ng kanyang dasali’y kinuha ako sa dibdib, akong makinis kaysa perlas at may bughaw ng dagat, bago hinagkan saka ipinagpatuloy ang dasalin.
Lingid sa kaalaman ni Marina’y may namatay na bayani sa kalamlaman ng dapit-hapon sa gitna ng karagatan – isang bayani ng pag-ibig na nakatagpo ng langit sa kanyang kagandahan.
At, parang himala ng pagkakataon, ang kinalibingan ng bayani’y walang iba kundi ang pook kong sinilangan – akong isang dating susong naging sangla ng kanyang mataos na pag-ibig . . . ang kabibing may kinis ng perlas at bughaw ng tubig ng dagat sa Timog.