Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Kabanata 1 – Nangyari ang isang hiwaga
Malalim na ang gabi ay di pa nakauuwi si Tatay Dencio. Inip na inip na sa paghihintay si Kiko at si Neneng. Gutom na sila at walang mainit na pagkain. Ibig na nilang matulog upang malimutan ang gutom at ang pangambang baka may nangyaring masama sa kanilang ama. Nguni’t di sila makatulog.
Tumila na ang ulan. Masama ang panahon simula nang magtatanghali. Nang maaga pa ay maganda ang sikat ng araw. Pumalaot si Tatay Dencio kasama ang isang pangkat ng mangingisda, gaya ng nakagawian, upang humakot ng isda sa pamamagitan ng
lambat at wala siyang hinuha na may nagbabadya palang sama ng panahon.
Di nga nakapaglaro sa labas ng bahay ang magkapatid dahil sa bumuhos ang malakas na ulan na may kasama pang malakas na hangin pagdating ng hapon. Malamig ang gabi at basa ang paligid. Karaniwang dumarating ang kanilang ama mula sa pangingisda bago lumubog ang araw. Agad siyang umiigib ng tubig na pang-inom nila at gamit sa pagluluto. Pinaliliyab niya ang kalan at iniluluto ang ano mang nahuhuli sa dagat. Si Tatay Dencio ay ama at ina sapagka’t sumakabilang-buhay na ang ina ng mga bata.
Naiiba ang gabing ito sapagka’t malamig at tahimik ang kusina. Wala ni anino man ng ama. Nagpasiya si Kiko — Neneng, halinang lumabas at hanapin natin si ama, — wika niya.
— Saan natin siya hahanapin e pagkadilim-dilim sa labas? — sagot ni Neneng. Samantala ay umaalingawngaw ang hagupit ng dagat sa mga batuhan.
Magka-akay ang magkapatid na tinahak ang landas patungo sa daungan ng mga bangka. Napadaan sila sa isang matanda at matayog na puno ng akasya at doon ay sumilong nang panandalian sapagka’t naakit sila sa mga alitaptap na ang liwanag
ay kumukutitap.
— Ha, ha, ha, ha, sa wakas ay nasukol ko rin kayo! — nakagugulat na bati ng kapre. Nakaupo sa malaking sanga ng puno ang kapre at nanabako nang ito ay dali-daling nagpahulog at agad ikinulong ang magkapatid sa loob ng kanyang malalaking bisig.
— Ha, ha, ha, ha, ipagsasama ko kayo sa kaharian sa ilalim ng puno. — At ang magkapatid na kapuwa dala-dala ng kapre sa kanyang mga bisig ay nagpapapalag at naghihihiyaw nguni’t ang pagtutol nila ay di alintana ng halimaw.
Maliwanag at malawak ang pook na iyon sa ilalim ng puno. Kanais-nais ang simoy at maririnig ang tawanan at pagsasaya. May sumalubong sa magkapatid na tila ina ang anyo na napakaamo ng mukha.
— Huwag kayong matakot. Batid ko na kayo’y lipos ng pag-aalaala sa inyong ama. Tutulungan ko kayong hanapin siya. Samantala ay kumain kayo ng hapunan at uminom ng katas ng pinya, — mahinahong samo ng magandang babae.
Napansin ng magkapatid na hindi sumasayad sa lupa ang mga paa ng babae. Siya’y lumulutang sa hangin. Sa dakong tila hardin sa di kalayuan ay namamasid nila ang mga batang nagsisipaglaro. At sila rin ay lumulutang, lumilipad sa hangin, katulad ng babae. Naghahabulan ang mga bata, nagpapaikot-ikot sa hangin at nakalatag ang mga bisig na tila mga ibong may pakpak.
— Ang mga bata, sino-sino po sila? — tanong ni Neneng sa babae.
— Sila’y mga anak ko na. Sila’y naulila na sa ina at ama. Sino pa ang mag-aaruga sa kanila? — paliwanag ng babae.
— Bakit po may kapre sa puno? — usisa ni Kiko
— Ayaw kong makapasok dito ang di naman nararapat. Kinatatakutan ang kapre, kung kaya’t walang naliligaw dito na makikialam o magnanakaw lamang, — dagdag ng babae.
— Ako naman ang magtatanong. Neneng, mahal mo ba ang iyong ama? — pakli ng babae.
— Opo. Mahal na mahal po. Ibig ko nga pong laging nakikita at nakakasama siya. Masaya po kami at laging nasa mabuting kalagayan kapag nasa piling kami ni ama, – patiyak ni Neneng.
— Ako rin po, Nana, mahal na mahal ko po si ama. Sana po ay magkakasama kami nang matagal at sa kanyang pagtanda ay mapaglilingkuran ko siya katulad ng paglilingkod niya sa amin ngayon, – pahayag naman ni Kiko.
Pinalapit ng babae ang magkapatid sa isang tila palanggana na puno ng tubig. — Tunghan ninyo ang larawan na lilitaw sa tubig, — wika niya. At nakita ng magkapatid ang larawan ng kanilang ama na nakakapit sa isang putol ng kahoy at lulutang-lutang siya sa kalagitnaan ng dagat.
Lumakas ang uga ng alon at tumaob ang bangka ni Tatay Dencio nang dumaan ang masamang panahon nang hapong iyon. Bibitiw na sana sa putol ng kahoy ang mangingisda sanhi ng pagod at lamig. Kung sa bagay ay nawalan na siya ng siglang mabuhay pa nang pumanaw ang kabiyak ng dibdib; nguni’t ang pag-ibig sa mga anak ang nag-atas sa kanya na siya’y kailangang mabuhay at makabalik sa mga musmos na naghihintay.
— Kumapit kayo sa akin at tayo’y lilipad, — tagubilin ng babae. At sila’y mabilis na pumailanlang sa kaitasan at sumakay sa hihip ng hangin patungo sa laot na katatagpuan kay Tatay Dencio. Wala nang malay si Tatay Dencio nang kanilang makita. Nakipagtalastasan ang babae sa pamamagitan ng isip lamang sa dalawang dugong; at ang mga dambuhalang ito ng karagatan, ang isa kanila, ay isinakay sa kanyang likuran ang walang malay na mangingisda, habang ang isa ay sumunod; at inihatid siya sa dalampasigan.
Nang magbalik na ang malay ni Tatay Dencio ay agad niyang tinahak ang landas na patungo sa kanyang munting kubo. Nang makapasok na sa bahay ay nakita niya sina Kiko at Neneng na mahimbing na natutulog sa kanilang banig. Napansin niya na may naiwang tasa sa dulang na may nalalabi pang katas ng pinya.
Kinabukasan ay masayang binati ng mga anak si Tatay Dencio. Nalimutan na nila ang lahat ng naganap nang gabing nagdaan.
— Ama, bakit kayo ginabi? — tanong ni Neneng. Ipinaliwanag ng ama na silang mangingisda ay tumabi sa isang maliit na pulo upang hindi masalubong ang unos sa dagat at doon ay naghintay hanggang maging payapa na ang panahon. At sa gayong pangyayari ay nabalam ang kanyang pag-uwi.
Nang umagang iyon ay sinadya ni Tatay Dencio ang libingan ng nayon at doon ay naghatid ng bulaklak sa puntod ng kanyang yumaong maybahay. Buo ang paniniwala ni Tatay Dencio na ang maybahay ay tumupad sa kanyang huling habilin sa kanya.
— Dencio, huwag mong pababayaan ang mga bata; ipakikiusap ko sa Maykapal na ako ay pahintulutang makapiling ninyong mag-aama sa tuwing kayo’y masusuong sa panganib. Kahi’t ako ay malayo sa inyo, ipadadama ko na may bagwis ang pag-ibig.