Iisang Singsing, Dalawang Kuwento

HIYAS

Maikling Kuwento ni Alberto Segismundo Cruz

Sinipat na mabuti ni Mang Miroy, ang kilalang platero sa Cervantes (ngayo’y Avenida Rizal), ang brilyante na nasa kaliwang palad niyang nakalahad. Maliit lamang iyon nang bahagya sa karaniwang butil ng mais. Ang sinag ng araw na galing sa durungawang bukas ay tumama sa batong sinusuri niya. Kumislap ito sa tudla ng sinag at sumilaw sa mata niyang nakasipat. Nasinag niya ang maliit na lagablab wari ng apoy sa pinakapusod niyon. Napansin din niya ang makinis na tapyas nito sa mga gilid saka ang iba’t-ibang kulay na anaki’y likas na himala ng isang brilyanteng may mataas na kilatis at karapat-dapat na maging tampok ng sinsing man ng isang anak-hari. Sa katunayan, ang batong ito’y iniukol na maging tampok ng isang sinsing na pangkasal.

“Malaki ang halaga ng batong ito!” nasabi sa sarili ni Mang Miroy. “Hindi bababa ito sa isang libong piso.”

“Pagbutihin sana ninyo ang engaste,” pakiusap ng dalagang nasa likuran ni Mang Miroy. “Mayari kaya ninyo iyan sa Huwebes ng papasok na linggo?”

“Si Nydia naman!” sabi ng platero. “Para kang si Donya Pepang, ang mama mo, kung magpagawa. Lagi nang nagmamadali. Mahuhuli yata sa biyahe.”

“Nguni’t, Mang Miroy, iba ito,” anang dalaga na biglang pinamulahan ng mukha, pangyayaring lalo pang nagparilag sa katutubo niyang kagandahan. “Alam na naman ninyong gagamitin iyan sa aking kasal sa darating na araw ng Linggo. Saka nabanggit ninyo ang biyahe, at kung itutulot ng Diyos, baka kami ng aking nobyo’y makarating pa sa Paris, Roma, Helsinki at Bruselas.”

“Ako na ang bahala, iha,” sabi ni Mang Miroy. “Idalangin natin na huwag sana akong magkasakit.”

“Kapag nayari po iyan sa panahon, Mang Miroy,” wika ng dalaga, “ang gantimpala ninyo’y magiging kasiya-siya. Maaaring doble! Iyan ang sabi ng aking nobyo, matapos na maibalita ko sa kanya ang inyong turing sa paggawa ng sinsing na iyan.”

“Batang ire!” napapalatak na pakli ni Mang Miroy. “Sa isang kaakit-akit na gaya mo na haharap na sa dambana, dapat na maging kaakit-akit din ang sinsing na yayariin ko. Ngayon pa lamang ay para ko nang nakikita na matapos na maisuot sa palasinsingan mo ang sinsing, ay hahagkan ka niya, hindi lamang minsan, kundi makalawa o makatatlo pa.

”Baka mggselos ang aking nobyo, Mang Miroy, mabuti at hindi ko siya nakasama rito.”

“Ngayon, wala nang biruan, sabi ng platero, sa Sabado nang hapon ka magbalik. Bigyan mo ako nang sapat na panahon na magawa ko ang sinsing! Kahimanawari, ineng.”

“Hanggang sa Sabado po ng hapon,” pawakas na sabi ng dalaga, sabay tindig. “Isasama ko po ang aking nobyo upang makilala naman ninyo.”

“Nasa iyo nang pagpapasiya iyan, anak.”

“Paalam na sa inyo,” ani ni Nydia at lumabas na ng plateriya, tuloy sakay sa kanyang kulay gumamelang kotse.

“Sa Sabado nang hapon!,” nasabi sa sarili ni Mang Miroy. “Akala ng maraming nagpapagawa ay madali lamang ang pagyari ng hiyas. Hindi man lamang sumasagi sa kanilang isip na maaaring makasira sa paggawa ang isang platero. Kung ito’y mangyayari, sadyang kahabag-habag ang gaya ko, na sapilitang uutang nang patubuan makabayad lamang sa kapinsalaan. Isipin na lamang kung mabasag ang brilyante sa pagtatampok.”

Matapos uminom ng kape, nagtungo si Mang Miroy sa panig ng plateriya na kinaroroonan ng mga butbutin niya. Inihanda ang ilang kailangang kasangkapan, bago nagparingas ng apoy.

Natimbang na niya ang puting ginto. Sa pamamagitan ng isang tiyaning tanso na may dalawang dangkal ang laki ay idinarang sa apoy saka itinubog sa asido. Pagkatapos ay buong ingat na pinukpok ng isang maliit na martilyo ang lumamig nang bahagi ng ginto, na siyang inihahanda niyang maging braso. Binilog niya ito, at sinimulan namang ihanda ang panapo sa tuktok ng kabilugan upang mapalapat nang walang panganib sa pagkahulog ang brilyante. Nahirapan siya sa bahaging ito ng paggawa. Matagal siyang nagtrabaho sa sinsing, paulit-ulit – pagdadarang sa apoy, pagtubog sa asido, pagpukpok nang maingat, paghugis at iba pa. Datapuwa’t sa sukat ng palasinsingan ni Nydia at sa pagkakahanda ng pinaka-sapo, mandi’y hindi nagtatama nang tapat ang bahaging iyon ng ginto at ng brilyante.

“Madalian pa naman ang trabahong ito!” bulong sa sarili ni Mang Miroy na ibig nang mayamot. Sa di kawasa’y napailing siya. Kailan man ay di nanginig ang mga daliri niya kundi noon lamang! Kailan man ay hindi siya nangamba sa gawain sa pagyari ng hiyas kundi sa pagkakataong iyon lamang! Ano kaya ang nangyayari sa kanya? Waring masisira ang kadalubhasaan niyang “namana” sa ama niya at sa lolong naglipat sa kanila ng kadalubhasaan sa pagyari ng hiyas. Sayang ang kabantugan ng platerya na kilala sa mataas at mababa mang lipunan ng Maynila at sa mga karatig na bayan.

Walang anu-ano’y umabot sa pandinig niya ang isang tinig­tinig na  para niyang nakikilala . Tinig ng kanyang ama! At narinig niya ang ganitong mga pangungusap na nauulit na naman, makalipas       ang   marami nang taon:

“Miroy, ang pagyari ng alahas, gaya ng makailan kong nasabi na sa iyo, noong ikaw’y tinuturuan ko pa sa gawaing iyan, ay isang sining.   Hindi sapat ang kaalaman at karanasan sa pagyari. Kailangan ang mai­ ngat, mapagmalasakit at matatag na galaw ng mga daliri. Gayon din, kailangan kang maging mahinahon at magkaroon ng  pag-ibig sa kaselanan ng iyong gawain.       Kailangan mong ibuhos ang iyong kaluluwa sa pagyari ng isang hiyas na gaya ng ginagawa mo. Hindi ka eskultor, pintor o musiko, subali’t alagad ka ng sining, na katulad ng isang makata, ay isang tunay na manlilikha . Sa ibabaw ng lahat, huwag kang maghangad at huwag kang magdaraya. Huwag babawasan ng kahi’t isang gramo ang ginto. Huwag mong papalitan ng ibang kahambing ang brilyanteng ipinagkatiwala sa iyo. Miroy, magpatuloy ka na!”

Parang nagbago ang pakiramdam ni Miroy. Tila sumiglang bigla ang kanyang katawan. Nawala ang pagod niya’t pagkayamot. Humalili’y ang pagtitiwala sa sarili. Minasdan niya ulit ang lagablab ng apoy. Ipinagpatuloy niya ang kanyang ginagawa.              ‘

Samantalang inilalapat niya ang brilyante sa sapo ng kabilugan ng ginto, waring biglang nasinag niya sa bato ang isang pangitain na bagaman maliit ay maliwanag naman sa kanyang paningin. Sa harap  ng  dambana. . .  sa simbahan . . . siya at si Idad. Noo’y ikinakasal sila. Isinusuot niya sa daliring palasinsingan ni Idad ang sinsing na pangkasal na niyari ng kanyang ama, na tinulungan niya noon. Mababa lamang ang kilatis ng bato subali’t sa palagay niya, nang maitampok na iyon sa engasteng puting ginto rin, hindi niya   maaaring ipagpalit pa sa ano mang mahalagang hiyas sa daigdig ang    sinsing na iyon. Wala s_a halaga kundi nasa kayarian na naaayon sa   sining at sa kahulugan: ang sangla ng pag-ibig at sagisag ng pag-iisa   ng dalawang pusong “masasalo sa ligaya’t maghahati sa hilahil”.

Nagunita niya tuloy ang  dahilan kung bakit masidhi ang pagnanais ng  nagpagawa sa kanya, si Nydia, na mayari agad ang  sinsing na pangkasal. Pag­iisang-_dibdib! Buhat sa pagiging dalaga, tungo sa kalagayan ng isang may-asawa. Maititindig na, pagkatapos, ang isang  tahanan. Magiging ama’t ina ng tahanan ang nag-isang-puso. Magkakaroon sila ng mga supling-mga kapilas ng buhay. At ang katuturan ng sinsing na iyon ay magiging ganap.

Nailagay niya nang lapat ang brilyante sa tampok ng sinsing .     Natimbang sa braso ang batong maningning. Naging ganap ang kayarian ng hiyas ­- isang tunay na likha ng sining!

Nagwakas na rin ang maselang na Gawain niya. Wala nang nalalabi kundi ang pakinisin na lamang ang hiyas. Kung susukatin ang itinagal ng trabaho ay aabot sa limang araw. Hindi siya masisira sa pangako kahi’t na idagdag pa ang isang araw ng pagsusuri — ang  finishing touches, kung baga sa isang larawang guhit ng pintor. Habang nililinis niya ang braso ng sinsing ay iihip-ihip na siya sa maningning na bato. Sa malas niya’y lalong dumilag ito sa pagkakatampok. Natugon   ang hinihingi ng disenyo. Nang matiyak niyang malinis na, kinuha ang timbangan at tinimbang ang bigat ng hiyas.

“Dalawang libong piso man ay maaari itong bayaran!” pagmamalaki niya sa sarili.

Sumilid na bigla sa isip niya si Idad na may ilang sandali lamang ang nakalilipas ay inanyayahan pa siyang magminindal. Ibig niyang mahangaan ni Idad ang kanyang “obra maestra”. Tinungo niya ito.

“Subukin mo ngang isuot ang sinsing na ito,” sabi niya kay Idad.

“Nahulaan kong magiging sukatan mo na naman ang aking palasinsingan!” Iniabot ni Idad ang kamay sa kabiyak.

“Saan naroon ang sinsing  mo?” patakang usisa ni Mang Miroy sa asawa nang mapunang wala sa daliri nito ang kanyang “sangla ng pag-ibig”.

“Narito sa bulsa ng aking bestido,” ani Idad.

“Itinago ko, sapagka’t kailangan akong maglinis ng paminggalan.”

Sa hindi na makinis na daliri ni Idad, nang maisuot ang sensing na pasadya, parang nagitla si Mang Miroy, waring nakita niya ang daliring hubog-kandila ni Nydia.

“Idad,” sabi niyang nagtataka. “Hindi pa pala nagbabago ang iyong palasinsingan sa kabila ng iyong mahihirap na gawain sa bahay.

“Mapagbiro ka, Miroy,” matimyas na tugon ng maybahay ng platero.

“Marikit lamang ang sinsing. Sa pagkakatampok ng brilyante na timbang na timbang sa kabilugan ng braso, ang ganda ng hiyas ang iyong nakikita. Ang mga daliri ko’y pinapangit na ng panahon.”

“Idad, ikaw naman,” masuyong sambit ni Mang Miroy, “ano man ang isipin mo o ipalagay, ang naipahayag ko’y siyang katotohanan sapagka’t iyan ang aking nakikita.”

Ikaapat pa lamang ng hapon, araw ng Sabado, ay dumating na si Nydia sa plateriya ni Mang Miroy. Bagaman nagmamadali ay ibang-iba ang kilos at anyo kaysa dati. Matamlay ang katawan at namu­ mula ang mga mata.

“Mang Miroy,” ani Nydia sa nangangapos na tining, “hindi na po matutuloy and kasal!” sabay iyak.

“Bakit, anak? Usisa ni Mang Miroy sa malagim na balita, “ano ang nangyari? Ipagtapat mo sa akin. Ako naman ay katapatan ng iyong pamilya.”

“May asawa po ang magdaraya na inibig ko’t pinangakuang mamahalin habang buhay!”

Napasuntok sa katabing mesa si Mang Miroy.

“Dinaramdam ko ang pangyayari,” malumanay na saad niya. “Nguni’t   narito na ang sinsing.” At iniabot kay Nydia ang isang maliit na estutse.

Binuksan ni Nydia ang estutse.

“Kay ganda, Mang Miroy!” Bahagyang nangiti ang dalaga.

“Sayang! Napakarikit ng sinsing na ito, nguni’t tanso pala lamang ang katapat. Natanso ako ng walang-hiya!”

“Huminahon ka, ineng,” payo ni Mang Miroy. “Maitatago mo iyan at magiging buluhan pa rln sa iyong buhay . Magiging tagapagpagunita sa iyo. Bata ka pa, mahaba pa ang landas  na  malalakad mo.”

Muling napangiti si Nydia nang marinig ang payo ni Mang Miroy. Dinukot ang sisidlan ng salapi, na nasa loob ng handbag, at iniabot ang isandaang piso sa   platero.

“Nydia, labis ito sa aking turing. Sabi ko noon ay limampung piso ang nararapat na ibayad mo sa akin.”

“Ngunl’t ipinangako sa inyo ng aking magdarayang nobyo na pag-iibayuhin ang kabayaran sa inyong pagod kung mayayarl ang sinsing sa panahon. Ipinasabi niya iyan sa inyo sa pamamagitan ko, hindi po ba?”

“Tunay, Nydia,” patotoo ni Mang Miroy, “datapwa’t ang kahigtan ng limampung piso ay… tanso na rin ang katimbang. Hindi ko matatanggap iyan!”

“Mang Miroy, salamat sa inyo!” anang dalagang nalugod na sa sinabi ng platero. “Ang inyong pagdamay sa akin, sa paraang iyan ng inyong paninindigan, ay  hindi ko malilimot kailan man.”

Ngumiti si Mang Miroy. Ilang sandali pa’y tumindig na si Nydia, saka nagpaalam.

“Ipinangangako ko sa inyo na itatago ko nang mahigpit ang hiyas na ito. Mamahalin ko, higit pa sa aking buhay!”

Parang   nagamot ang malubhang sugat ng puso ng dalaga sa mataas na lipunan ng Maynila. Mabilis na pinatakbo ang lrotse. Walang natanaw si Mang  Miroy buhat sa plateriya kundi ang puting panyolitong ikinaway ng dalaga.
 

ANG SINGSING

Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz

Minsan ay malamig na piraso ng dilaw na bakal at sa galing ng isip sa paggawa ng desenyo at husay ng mga mata at kamay ni Mang Kardo, ito’y naging kagila-gilalas na alahas na kung naangkupan ng makikinang na brilyante ay nagiging mamahaling hiyas. —

Kaisa-isa lamang ang naging hanapbuhay ni Mang Kardo – ang maging isang mag-aalahas. Sapul pa sa pagkabata ay namulat na siya sa paglikha ng mga alahas kagaya ng singsing, kuwintas, at pulseras, na hubog mula sa ginto o pilak. Ito ay talino na namana sa ama – na di nagpabaya sa pagtuturo sa anak — hanggang sa siya’y tiyak na maging mahusay na alahero rin katulad niya. Nag-aral sa elementarya at mataas na paaralan si Mang Kardo, nguni’t hindi na nakatuntong ng kolehiyo.

Wika ng ama: “Para ke pa na mag-aksaya ka ng mahabang panahon sa kolehiyo; sa wakas ay hanapbuhay din ang hahanapin mo. Heto na ang hanapbuhay — nakalantad na sa harapan mo, sunggaban mo na. Ibibigay ko sa iyo ang mga kasangkapan at lahat ng mga sekreto upang magkaroon ka ng matagumpay na hanapbuhay. Ngayon din ay may hanapbuhay ka na, kung pipiliin mong magsimula na.”

Naging dalubhasa si Mang Kardo sa paggawa ng alahas. Naging tanyag na pagawaan ng alahas ang negosyo nilang mag-ama – ang Plateria Gonzales sa Moriones, Maynila.

Minsan ay malamig na piraso ng dilaw na bakal at sa galing ng isip sa paggawa ng desenyo at husay ng mga mata at kamay ni Mang Kardo, ito’y nagiging kagila-gilalas na alahas na kung naangkupan ng makikinang na brilyante ay nagiging mamahaling hiyas.

Ang Plateria Gonzales ay isang lumang bahay sa panulukan ng Moriones at Ylaya sa Tundo. Ang itaas ay naging tirahan ni Mang Kardo at ng asawa niyang si Rosal. Nasa ibaba naman ang pagawaan ng alahas.

Karamihan sa mga nangangailangan ng alahas noong mga panahong iyon ay sa Escolta at sa Florentino Torres sa Sta. Cruz tumutungo at doo’y gumagastos ng mahigit pa sa presyo ni Mang Kardo upang makabili ng alahas na di naman kasing-ganda. Nguni’t ang mga nakaaalam ay winawalang bahala ang abala sa pagtungo sa isang ilang na kalye sa Tundo, magkaroon lamang ng alahas na gawa ni Mang Kardo. Naging parokyano niya ang mula sa mayayamang pamilya sa Maynila at sa mga kanugnog na pook, at maging ang mga taong nasa matataas na puwesto sa gobyerno at pati na ang mga artista sa pelikula.

Matindi ang pagnanasa ni Mang Kardo at ni Rosal na magkaroon sila ng anak, lalaki sana, upang magkaroon, sa pangmatagalang panahon, ng katulong sa hanapbuhay. Nguni’t di sila pinagkalooban ng anak. Sa halip ay nagkaroon ng limang katulong si Mang Kardo. Sa lakas ng bugso ng mga mamimili na dumarating sa plateria araw-araw ay kinailangan niya na umupa ng mga tauhan.

Matapos maturuan ang isang katulong, kapag ito ay mahusay na, karaniwang ito ay lumilisan upang humanap ng higit na mataas na suweldo o di kaya ay upang magpundar ng sariling plateria. Malimit na magpalit ng tauhan si Mang Kardo, hindi dahil sa isa siyang taong mahirap na pakitunguhan, kundi dahil sa ang mga kinukuha niyang tauhan ay di nagtatagal; kapag natutunan na ang sekretong itinuro ni Mang Kardo, sila ay naniniwalang makakukuha sila ng higit na magagandang hanapbuhay sa higit na malalaking plateria at nagbibitiw.

Sa kasalukuyan ay nag-iisa na lamang si Mang Kardo sa plateria. Lumipas ang panahon, dumami ang mga kakompetensya sa paggawa ng alahas, kumaunti ang dating ng mga suki sa Plateria Gonzales, humina ang kita ni Mang Kardo.

Sa kasalukuyan, animnapu’t pito na ang edad ni Mang Kardo. Mahina na ang mga mata at may kaunting nginig na ang mga kamay. Marahil ay dahilan din ito ng paghina ng kita ni Mang Kardo – kumaunti ang mga suki, marahil, ay napansin ang pagbabago sa uri at husay ng trabaho niya.

Nguni’t ang malaking dahilan kung bakit lumipas ang katanyagan at ligsi ng hanapbuhay ni Mang Kardo ay ang pagkakasakit ni Rosal. Isang araw ay may naramdamang kirot si Rosal sa parte ng kanyang likod. Tumungo silang mag-asawa sa isang dalubhasa sa likod. Matapos kumunsulta, ayon sa pagsusuri at x-ray, nabatid na may “emphysema” si Rosal. Ang pagsakit ng likod ay nauwi sa pagbigat ng paghinga at kawalan ng sigla at panglasa sa pagkain.

Naging madalas ang pagpunta sa doktor at napabayaan ni Mang Kardo ang kanyang negosyo. Namayat si Rosal at kinailangang may nakakabit na “oxygen tank” sa kanyang katawan nang palagian upang makahinga nang maluwag. Matindi ang kalungkutan at pag-aalala ni Mang Kardo. Ang kaisa-isang kasama niya sa buhay ay nasa bingit ng kamatayan!

Ang bigat sa damdamin na dulot ng sakit ay bukod pa sa bigat sa bulsa na palagiang bumabagabag sa isipan ni Mang Kardo. Ang kanyang naipon ay naubos na sa kababayad sa doktor at gamot. At ang maliit na kita niya ay kulang pa sa pagbabayad sa pang-araw-araw na gastusin gaya ng pagkain, pamasahe at panggastos sa negosyo. Tagsalat sa buhay ang mag-asawang Mang Kardo at Rosal.

Susubukan ng doktor na sa pamamagitan ng operasyon ay maalis ang masamang parte ng baga. Salapi lamang ang namamagitan sa paggaling ni Rosal at paglubha. Kailangang-kailangan ni Mang Kardo ang salapi – di lamang niya alam kung papaano hahanapin ang kailangang-kailangang salapi.

Isang araw ay may dumating na parokyano sa plateria. Nakapinid nang kalahati ang pinto.

“Mang Kardo, Mang Kardo . . . Bukas po ba kayo?” tanong ng dumating.

Lumitaw sa pintuan si Mang Kardo galing sa itaas ng bahay na kung saan ay binabantayan niya ang asawa.

“Oo, Ineng, pasok.” sabi ni Mang Kardo.

Pumasok sa plateria ang isang dadalawampuing dalaga na may kataasan, mahabang buhok, at balingkinitang katawan.

“Kayo po ba si Mang Kardo?” Tumango ang platero.

“Ako po si Melinda, anak ni Mrs. Guerrero, suki ninyo. Dito raw po ako magpagawa ng singsing na pangkasal, sabi ng mama.”

“Dala ko po ang singsing ng mama; ibig po naming ipabago ang desenyo nito nguni’t gamit din ang dating ginto at bato. Kasi po ay makaluma ang desenyo. Ito po ay pamana ng mama sa akin; at ako’y ikakasal sa susunod na buwan,” paliwanag ng dalaga.

Gamit ang kanyang salaming pampalaki, sinilip ni Mang Kardo ang singsing.

“Natatandaan ko ang singsing na ito. Regalo ng papa mo sa mama mo nang sila’y magdiwang ng ikatatlumpung anibersaryo. Napakagandang brilyante nito, at di pangkaraniwan ang halaga. Bagay na bagay na maging singsing pangkasal ng isang napakagandang bata katulad mo.”

“Kailan mo ba kailangan ito, Ineng?” Tanong ni Mang Kardo.

“Ang petsa ng kasal namin ay Hunyo a dose po. Matatapos po ba ninyo bago mag-Hunyo?” Tanong ng dalaga.

“Samakatuwid ay mayroon akong halos ay isang buwan . . . O sige, anak, bumalik ka sa Mayo a beinte singko at ang singsing ay tapos na sa araw na iyon.”

Lumisan ang dalaga at agad na sinuri ni Mang Kardo ang singsing. Kinilatis nang higit na masusi ang bato sa singsing. Makikitang nag-iisip si Mang Kardo at mapapansin ang pamumuo ng pawis sa kanyang noo. Inikot-ikot ng kanyang mga daliri ang singsing habang nakasilip naman sa kanyang salaming pampalaki upang matiyak na ang brilyante ay mataas ang uri at ang kulay ay di pangkaraniwan. “Kung limampung libong piso lamang ay may halaga ang batong ito!” Bulong ni Mang Kardo sa sarili.

At doon nagsimula ang kalbaryo ni Mang Kardo. Limampung libong piso ang maaaring magligtas sa buhay ni Rosal, kung ang operasyon ay magiging isang tagumpay.

Naisip niyang makagagawa siya ng kababalaghan. Gagamitin niya ang kanyang galing upang ang kristal sa puwit ng baso ay magmukhang brilyante. At ang tunay na brilyante sa singsing ni Melinda ay madaling makapagbibigay ng salaping kailangan ni Rosal sa operasyon, kung ito’y maipagbibili sa isang mayamang mag-aalahas na Intsik sa Tambunting. Ganoon din ang gagawin sa ginto — maipagbibili niya ito at ang metal na gagamitin sa singsing ni Melinda ay tanso at ito’y itutubog sa ginto.

Sa mga araw at linggong lumipas, naging napakaabala ni Mang Kardo sa pagguhit sa papel ng iba’t ibang desenyo, sa pagputol ng bakal, pagkikil, pagtunaw at paghubog nito, upang makalikha ng isang di pangkaraniwang singsing alay kay Melinda. Ang kristal naman mula sa puwit ng baso ay mataimtim niyang pinilas, tinapyas-tapyas, binigyan ng hugis, kininis at pinakinang hanggang sa maging wari mo ay mamahaling brilyante.

Nguni’t hindi rin mapagkatulog si Mang Kardo. Habang abala, malimit ay nagiging tulala at tila balisa. Minsan ay ginising siya ni Rosal dahil sa umuungol sa pagtulog. Lingid sa kaalaman ni Rosal ay nanaginip si Mang Kardo. Kitang-kita niya sa panaginip ang anyo ng ama na mabagsik ang tabas ng mukha at paturong iniwawagayway ang daliri habang nangangaral: “Kardo, Kardo . . . Makailang ulit ko ba sasabihin sa iyo na ang pagiging mag-aalahas ay tila pagiging asawa ni Cesar? Kailangan ay wala kang ni bahid man lamang ng pag-aalinlangan!”

Kay lakas ng tukso, isang buwang nagdusa si Mang Kardo, naghimagsik ang damdamin niya at nagulo ang isipan, nagtalo sa kanyang budhi ang kabutihan at kasamaan — at sa huli ay namayani ang kabutihan. Isip niya, “Ipagkakatiwala ko sa Diyos ang paggaling ni Rosal.”

Mayo a beinte singko. Gaya ng kasunduan, dumating si Melinda sa plateria upang tubusin ang singsing.

“Ay, naku, Melinda, napakaganda ng kapalaran mo! Ang nalikha kong singsing ay napakaganda, napakataas ng uri, napakadalisay na ginto at bato — pambihirang pilas ng yaman na naaangkop sa ganda mo at sa puso mong busilak!” pagmamalaki ni Mang Kardo.

“Maraming salamat, Mang Kardo. Nguni’t hindi po matutuloy ang kasal.” ani Melinda.

“Hindi matutuloy?!” Gulat na itinanong ng matanda.

“Hindi po. Mangyari ay may-asawa na pala si Joey. May nagsabi sa akin nito, at bago maging huli ang lahat, ay pinaamin ko si Joey kung totoo o hindi. At sabi niya ay totoo. Mang Kardo, natanso ako,” malungkot na salaysay ng dalaga.

“Malungkot ang nangyari sa iyo, anak; nguni’t bata ka pa, marami ka pang makikilalang kaibigan na higit na maginoo kaysa kay Joey. Ipagdiwang mo na nabatid mo ang katotohanan nang maaga pa, kaysa sa magsisi ka sa huli. Kipkipin mo at mahalin mo ang singsing na ginawa ko alay sa iyo. Maging alaala sana ito na kahi’t na may kasamaan sa mundo ay nananaig pa rin ang kabutihan. Sana ay manatiling totoo, dalisay at busilak ang iyong puso, makinang at kaakit-akit ang iyong pagkatao, kagaya ng singsing na iyan na tunay na brilyante at hindi tubog sa ginto.”

Ngumiti ang dalaga, tinanggap ang singsing, isinuot sa daliri, hinalikan si Mang Kardo sa noo, at nagpaalam…

Sinundan ng tingin ni Mang Kardo ang dalaga hanggang sa maglaho siya sa kanyang paningin. Isinara niya ang pinto at pagkatapos ay bumaling at naglakad patungo sa hagdan. Sa itaas ng bahay ay naghihintay si Rosal.