Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Overseas worker si Manuel sa Saudi Arabia. Dalawang taon na siyang naka- destino doon bilang accounting clerk ng isang malaking korporasyon.
Sa ibang bayan nakatatagpo ang mga taga-Pilipinas ng higit na magagandang kapalaran kaysa makikita sa sariling bayan. Kakaunti ang pagkakataon at mahirap na umunlad sa sariling bayan.
Isa sa maraming Pilipino si Manuel na sa ibang bayan nakahanap ng maayos na ikabubuhay. Naisipan niya na mangibang-bayan at nang mapabilis ang pag-iipon ng perang pangkasal, pati na ang pambayad sa upa sa isang karaniwang tahanan, sapagka’t ibig na niyang lumagay sa tahimik, na mapakasal kay Leonor, ang limang taon na niyang kasintahan. Masakit man sa kanyang kalooban ang mapawalay kay Leonor at ang mapalayo sa kanyang mga magulang at kapatid, nagpasiya si Manuel na magtrabaho at magtiis kahi’t na kung saang lupalop ng mundo.
Mahusay na empleyado si Manuel. Matalas ang kanyang ulo at masipag. Bukod-tangi, isa siyang nilalang na tunay at buo ang relasyon kay Hesu Kristo. Madasalin siya at mapagbasa ng Bibliya. Dala, marahil, ng marubdob niyang paniniwala sa kapangyarihan ng Diyos, nakapanggagamot si Manuel sa mga maysakit.
“Pastor” ang tawag sa kanya ng mga kasamahan sa trabaho. Naaangkop na bansag sapagka’t sa tuwing magsasalo-salo sila o may ano mang pagtitipon ay siya ang namamahala sa pagdadasal ng pasasalamat sa Diyos. At sa ibang pagkakataon naman ay binabasahan niya ng Bibliya at binibigyan niya ng gabay ang kanyang mga kasamahan.
Kung may nagkakasakit at lumalapit sa kanya upang gumaling sa pamamagitan ng dasal, tinatanggap ni Manuel, sa loob ng kanyang pamamahay, ang ganoong mga nangangailangan ng tulong.
Maraming bawal sa Saudi sa dahilang naiiba ang kultura at relihiyon ng mga tao doon. Kinailangang makibagay sina Manuel at ang kanyang mga kasamahan sa naiibang kaugalian at nang sila ay hindi mapasama.
Bilang halimbawa, ang lalaki doon ay hindi maaaring makipag-usap sa babae, o di kaya ay makitang may kasamang babae sa lansangan, maliban na lamang kung ang babae ay ang kanyang asawa.
Ang mga babae ay nagsusuot ng itim na itim o di kaya ay puting-puting damit na sa luwang at haba ng materyales ay nababalot ang buong katawan nila, maging ang mukha. Ang bahagi lamang na walang takip ay iyong sa harapan ng mga mata.
Bawal kumain ng baboy. Bawal uminom ng alak. Kung kakain ng baboy o iinom ng alak, ginagawa iyon sa loob ng sariling pamamahay.
Pinaka-matindi sa lahat ng bawal ay ang paghahayag sa salita ni Hesu Kristo, ang pagbasa sa Bibliya, o ang pagdiriwang ng mga ritwal na pang-Kristiyano sa harap ng publiko, upang makaakit ng mga disipulo .
May gumagala sa paligid na mga kawani ng religious police na ang katungkulan ay ang mag-abang at manghuli ng mga lumalabag sa mga kautusan at kaugalian ng relihiyong Islam. Walang pinag-iba ang ganitong pamamalakad doon sa paghuli ng pulis sa mga drivers na lumalabag sa road o traffic rules.
Kaiingat din sa mga karaniwang mamamayan na maiinit ang mata at pakialamero na nagsusumbong sa mga pulis kapagdakang may nakita silang lumalabag sa mga kautusan.
Hindi lingid sa kaalaman ni Manuel na sa Saudi ay bawal ang magturo at magpalaganap ng ibang relihiyon, bukod sa Islam. Ang parusa sa paglabag sa nasabing kautusan ay ang malagim na kamatayan sa pamamagitan ng pagpugot sa ulo.
Kung kaya’t si Manuel ay maingat na ginagampanan ang kanyang pagiging “pastor” at nagtuturo at binabasahan ng Bibliya ang mga kasamahan, tuwing araw ng pangiling, doon lamang sa loob ng kanyang pamamahay.
Sa Maynila ay waitress si Leonor sa isang sikat na Chinese restaurant. Maganda siya. Katamtaman ang taas, kayumanggi, mahaba ang buhok, at ang katawan ay busog sa pagmamahal. Hindi nakapagtataka na umibig sa kanya si Manuel.
Bagay silang dalawa. Masasabing guwapo si Manuel, kahi’t na siya ay may kaitiman. Tama lamang ang taas niya; hindi matangkad, hindi rin mababa. Matipuno ang kanyang pangangatawan, mapuputi at malulusog ang ngipin, at palaging may ngiti sa mga labi. Makatawag-pansin ang dimples niya sa magkabilang pisngi.
Nagkakilala ang dalawa sa isang prayer meeting sa Makati na kapuwa nila dinaluhan. May magandang tinig si Leonor. Sa mga nasabing prayer meetings ay madalas na si Leonor ang nangunguna sa pag-awit ng mga himno. Sa kadalasan ng pagkikita nila, at palibhasa ay magkalapit ang kanilang mga bahay na inuuwian sa Quezon City, naging laging magkasabay sa pag-uwi sina Leonor at Manuel. Naging malapit sila sa isa’t isa ; hanggang sa dumating ang araw na nakapaglakas ng loob ang binata at naipagtapat sa babae ang kanyang paghanga at mataimtim na pag-ibig. Sinagot naman siya ni Leonor ng isang matamis na “Oo”.
Isang araw ay may lalaking pumasok sa restaurant upang kumain. Si Leonor ang sumalubong.
“Manuel, bakit ka narito?” Gulat na gulat na salubong ni Leonor sa lalaki.
“Ah, e . . .”
“Hindi, bale. Mamaya mo na ipaliwanag. Siguro gutom na gutom ka na. Umupo ka at dadalhan kita ng pagkain.”
Sa kusina ay ibinalita na ni Leonor ang pagdating ni Manuel. Ang lahat ay nagsigawan ng “Welcome, Manuel” at nagalak sa magandang sorpresa. Hindi mailarawan ang kaligayahan at pananabik ni Leonor.
“Uy, may ka-loving loving na si Leonor,” biro ng mga kaibigan.
Habang nakaupo at kumakain ang lalaki ay di mapigil ni Leonor ang yakapin siya at halikan sa pisngi, sabay bulong, “Magpapaalam ako sa aking boss, at nang makasabay na ako sa iyo sa pag-uwi.”
Walang tigil ang kuwento ni Leonor. “Magugulat tiyak, pero matutuwa si Inang. Palagi ka nga niyang kinukumusta sa akin. Bakit hindi ka muna tumawag sa telepono?”
Nakakain ang lalaki at pagkakatapos ay nagbayad na at tumayo sabay nagpasalamat sa manager.
Sa may pintuan ng restaurant ay nag-aabang na si Leonor at handa nang lumakad. Inabot niya ang kamay sa lalaki at lumakad sila na magkahawak ang mga kamay.
“Sinorpresa mo ako nang husto, Manuel. Bakit di ka nagsabi na ikaw ay uuwi?”
“Mangyari ay . . .”
“Hay naku, Manuel, pinaligaya mo ako!”
Kinawayan ng dalaga ang isang taxi driver. Hinatak ang lalaki na sumakay na at sila’y mabilis na inihatid ng driver sa patutunguhan.
Sa kasabikan ni Leonor ay siya na ang nagbigay ng direksyon sa driver. “Sa Golden Gate sa Pasig, mama.” At habang nasa taxi ay walang tigil ang himas at satsat ni Leonor.
“Siguro ay marami ka nang naipon at tayo’y pakakasal na. Sasabihan ko ang ating mga kaibigan. Kanino ko kaya ipatatahi ang trahe de boda?”
“Saan mo nga pala iniwan ang mga bagahe mo? Hindi, bale, mamaya na natin pag-usapan”.
Sa Golden Gate Motel, sa loob ng malamig na silid, ay nagkaroon ng pag-iisa at katahimikan ang magsing-irog na matagal nang hindi nagkikita. Nag-aapoy ang damdamin ni Leonor. At ang lalaki na sa una’y maligamgam lamang ang pakiramdam, sa gayong pagkakataon, ay hindi maaaring hindi mag-init na rin sa pananabik. Nilinggis niya sa yakap ang babae at binigyan siya ng maiinit na halik.
Maya-maya, sabi ni Leonor, “Hintay muna.” At siya ay naghubad ng damit. Pagkakatapos ay hinubaran ng damit ang lalaki. Inakay niya siya patungo sa bathroom.
At doon ay nagsalo sila sa paliligo sa ilalim ng dutsa na nagsabog ng maligamgam na tubig sa kanilang mga nagbabagang katawan.
Di nagtagal at itinanghal sa gitna ng malambot na kutson ang pag-iibigan ng isang Eba’t isang Adan na kapuwa punung-puno ng pananabik, panggigitil, at pagkawala sa sarili. May malaking salamin sa kisame, sa tapat ng kama, at ito’y ang naging natatanging saksi sa pagtatalik ng nag-iibigan.
Napakakinis ng balat ni Leonor. Nagpasasa ang lalaki sa paghaplos at paghalik sa katawan ng babae. Si Leonor naman ay maligayang pinisil-pisil ang matipunong braso, dibdib, at likod ng lalaki.
Ang diwa nila kapuwa ay naglakbay patungo doon sa dulo ng kalawakan, sa pinakarurok ng kaligayahan, na kung saan sukdulan ang mararamdamang kasiyahan at katubusan.
Tila lasing ang lalaki at labas-pasok ang katuwiran sa kanyang isipan.
Ang nagaganap ba ay katotohanan o guni-guni? Ginugunita niya ang simula ng kanilang pagkikita noong araw na iyon at tinutunton niya ang bawa’t isang hakbang na nagdala sa kanya sa kasalukuyang kinahahantungan. Di siya makapaniwala. Nasabi na lamang sa sarili, “Hindi ko maintindihan kung paano ako napasok sa ganitong kalagayan, nguni’t di bale; Leonor, Leonor, kay ganda mong nilalang! Nakababaliw ang iyong bango at kariktan!”
Sa paghaplos sa katawan ng lalaki ay napansin ni Leonor na ang tato ni Manuel sa likod, sa gawing kaliwang paypay, ay wala. Tumakbo nang mabilis sa kanyang
isipan: “Marahil ay ipinabura niya. Baka bawal sa Saudi ang tato. Mamaya ko na siya tatanungin.” Sa pagkakataong iyon ay di mahalaga ang pangungusap. Di mahalaga ang paliwanag.
Mabilis ding sumagi sa isipan ng babae ang kasal. Mamaya ay pag-uusapan namin kung kailan idadaos. May dala kaya siyang singsing pangkasal? Sinu-sino ang aming magiging ninong? Paano ang trahe de boda? Ipatatahi ko ba o bibilhin na yari na . . . At sa pagkakataon ngang iyon na panginoon ang pananabik at ang pagpapalaya sa mga nag-iinit na damdamin sa loob ng katawan ay naging lapat ang mga labi ng dalawa at ang nangusap ay ang kanilang mga yakap, haplos, at halik sa isa’t isa.
Samantala, sa mismong oras na si Leonor ay nagtatamasa ng walang maliw na kaligayahan sa paraiso ng pag-ibig, sa Saudi Arabia, sa kainitan ng tanghali, sa gitna ng isang plaza, sa harapan ng isang malaking pulutong ng manonood, ay may isang lalaking nakabalot sa isang itim na kasuotan na akay-akay sa magkabilang panig ng braso ng dalawang guwardya. Sa isang nahirang na lugar ay huminto sa paglalakad ang pangkat. Pinatigil at pinadapa ang nakasuot ng itim na ang ulo niya ay nakakatang sa isang malaking bilog na kahoy na tila tadtaran.
May mga Pilipino sa nasabing pulutong ng manonood. “Ano ang kanyang nagawang kasalanan?” tanong ng isa sa mga manonood sa kanyang kasama.
Karaniwang bago maganap ang isang pagpugot ng ulo, may pina-iikot na sasakyan ang mga maykapangyarihan, na sa pamamagitan ng loudspeaker ay inihahayag sa madla ang magaganap na pagpapataw ng parusa sa isang kriminal.
Sa pagkakataong ito ay hindi mawatasan ang kalatas sa dahilang magaralgal ang tunog ng loudspeaker.
Nagbubulungan ang mga magkakasama.
“Nagkamali siya sa pagiging matulungin. Iyong batang maysakit na ibig niyang pagalingin sa pamamagitan ng dasal ay hindi Kristiyano kundi anak ng mag-asawang Muslim. Hindi gumaling ang bata; bagkus ay lumubha pa ang karamdaman at namatay. Isinisisi sa kanya ang pagkamatay ng bata.”
“Walang paglilitis. Napakabilis ng mga pangyayari. Dinakip siya, ikinulong, at hinusgahan kaagad na may sala. Ang mga pulis na dumakip sa kanya ay sila na ring naging hukom at tagapag-bigay ng kaparusahan.”
“Kaawa-awa naman!”
“Pilipino ba, pare?”
Itinatago ng pupugatan ang kanyang leeg. Ang mga ganitong pupugutan ay pinaiinom ng gamot na pampakalma. Malagihay na ang pakiramdam ng tao. Wala
nang takot. Hindi na makapalag. Hindi na makasigaw. Nguni’t ang taong ito ay umuusal ng dasal at pinaiikli ang leeg at nang hindi ito kaagad mapuntirya ng berdugo.
Ibig niyang tapusin ang kanyang dasal: “Panginoong Hesu Kristo, Ikaw ang Panginoon sa buong universo; mamamatay ang aking katawan, nguni’t mabubuhay ang aking espiritu, sasama sa Iyo, Panginoon, sa Iyong Kaharian. Alay ko sa Iyo ang aking buhay.”
Bago, gamit ang natitirang lakas at sandali, isinigaw ng tao ang kanyang huling panambitan. Bago bumagsak ang matalas na espada sa kanyang batok, nabitawan ni Manuel ang ganitong pangungusap: “Leonor, pinaka-iibig kita!”
Sa mabilis na sandali, si Manuel ay pinugutan ng ulo ng berdugo. Parusa ito, kaparusahang kamatayan, sa kasalanang pagpatay sa isang batang wala pang kamalayan, at sa pagkakalat ng Kristiyanismo sa lupain ng Islam na labag na labag sa paniniwala at pag-uutos ng relihiyon ng Saudi Arabia.