Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Alam ninyo ang anyo ng mga “bikers” o motorsiklista. Malalaki, mabibigat na lalaki, mahahaba ang buhok. May nakatali na bandana paikot sa ulo sa may noo at nang ang buhok ay hindi liparin ng hangin at tumakip sa mata. Karamihan sa kanila ay may bigote at balbas.
Sila’y mga tunay na lalaki. Ang edad ay hindi lalayo sa mula 35 hanggang 60 anyos. May-asawa at pamilya. May pag-aaring bahay at isa o dalawang kotse o truck bukod sa motorsiklo. May pinagkakakitaan.
Noong kapanahunan ng 1960 ay kabilang sila sa mga tinawag na “hippies” – mga taong namuhay ng buhay na kontra sa kultura: ang pagsunod sa kanilang laya at hilig, kahi’t na salungat sa kaugalian, kahi’t na hindi popular. May isang pelikula na naglarawan sa kontra-kulturang nasabi.
“Easy Rider”. Ito’y kasaysayan ng dalawang motorsiklista na naglakbay mula California patungo sa New Orleans. Nakatagpo sila ng sari-saring tao at mga karanasan. Hindi maganda ang tingin at turing ng mga tao sa kanila sapagka’t ang ayos nila at takbo ng pag-iisip ay naiiba. May “restaurant”, halimbawa, na hindi sila pinagsilbihan, bagkus ay pinaalis pa. Ang tingin sa kanila ng mga servidora at mga pulis na naroroon ay “basagulero” sila.
Ipinakita sa pelikula ang buhay sa siyudad at inihambing ito sa buhay sa bukid. Ipinakita ang paggamit ng marihuana. Sa huli ay napatay ng mga “hillbilly” ang magkaibigan. Ang sabi ni Wyatt, na ang gumanap na aktor ay si Peter Fonda, isa sa dalawang pangunahing karakter ng pelikula: “This used to be a hell of a good country. I can’t understand what’s gone wrong with it.” He observes that Americans talk a lot about the value of freedom, but are actually afraid of anyone who truly exhibits it.” (“Ang bayang ito dati ay napakabuti noon. Di ko maintindihan kung ano ang nangyari. Magaling sa salita ang Amerikano pagdating sa pagpuri sa kalayaan. Datapuwa’t takot sila sa taong isinasabuhay ang tunay na kahulugan ng kalayaan.”)
Ang pagsakay sa motorsiklo at paggaygay sa mga “freeway” at lansangan, ang pagpapatakbo nang mabilis – sa bilis na ang hangin ay humahagipas sa mukha at katawan, na di alintana ang init o ulan o yelo, at malayo sa siyudad, trabaho, pamilya at ang mga nakakasulikasok na alalahanin sa buhay – ito ang tunay na kalayaan!
Ang mga lumaban sa Vietnam at nakabalik sa Amerika nang buhay, bagama’t walang naging kapansanan sa katawan ay may uwing kapansanan sa utak. Naging malupit ang labanan sa Vietnam at ang mga kalagim-lagim na kamatayan ng mga sundalo at pagiging nasa ilalim ng takot ay nakasira sa ulo ng maraming sundalo. Marami sa kanila ang nakatagpo ng kapayapaan at kalutasan sa kanilang pagkabaliw sa pagsakay ng motorsiklo.
Nagkaroon ng mga barkadahan, sabihin na nating “gangs”, ang mga mahilig sumakay sa motorsiklo. May mga lakad sila na sila’y sama-sama bilang isang malaking pangkat. Nagkakasundo sila kung saan pupunta, saan titigil upang magpahinga. Sa malalayong pook, sa mga pook na walang bahay at naninirahan, doon sila tumitigil upang magluto, kumain, magkuwentuhan, humitit ng damo, at matulog.
May mga pangkat na ang barkadahan ay nauwi sa pakikipag-away, pakikipagbarilan, patayan kontra sa ibang pangkat. May mga pangkat na nasangkot sa paggawa ng krimen gaya ng pagtutulak ng damo at mga “illegal weapons”.
Nguni’t sa kabuuan, ang mga “bikers” ay mga kagalang-galang na miyembro ng sosyedad. Tumutulong sila sa pagpapanatili ng kapayapaan. Sa pangingilak ng tulong para sa mga maysakit at nagugutom.
Tuwing may ililibing na “war veteran”, at maging sa mga “civic parades”, ang mga “bikers” ay nangunguna sa parade. Nakahanay sila sa unahan ng parade, may mga sabit na “American flag” sa kanilang mga “bikes” at nakikiisa sa ano mang pagdiriwang.
Ang mga motorsiklo ay may mikropono at “headset” kung kaya’t nakapag-uusap ang mga “bikers” habang sila ay naglalakbay. Ang mga motorsiklo ay mayroon ding “stereo radio” o “cassette player” at sila ay nakikinig sa kanilang mga paboritong kanta habang naglalakbay. “Born in the USA” ni Bruce Springteen ang isa sa mga paborito nilang kanta.
“Born down in a dead man’s town
The first kick I took was when
I hit the ground
You end up like a dog that’s been beat too much
‘Til you
spend half your life just covering up
[chorus:]
“Born in the U.S.A.
“Born in the U.S.A. Born in the U.S.A. Born in the U.S.A.
“I got in a
little hometown jam
And so they put a rifle in my hands
Sent me off to
Vietnam
To go and kill the yellow man
[chorus]
“Come back
home to the refinery
Hiring man says “Son if it was up to me”
“I go down to see the V.A. man
He said “Son don’t you understand”
[chorus]
“I had a buddy at Khe Sahn
Fighting off the Viet Cong
“They’re still there, he’s all gone
He had a little girl in Saigon
I got a
picture of him in her arms
“Down in the shadow of the penitentiary
Out
by the gas fires of the refinery
I’m ten years down the road
Nowhere to run, ain’t got nowhere to go
“I’m a long gone
Daddy in the U.S.A.
Born in the U.S.A.
I’m a cool rocking Daddy in the
U.S.A.
Born in the U.S.A.”
Isang araw na maganda ang sikat ng araw, napansin ng mga tao na may labing-dalawang “bikers” na nakaupo sa semento sa harapan ng simbahan. Ang eksenang ito ay nakita, naulit, sa maraming simbahan sa kabuuan ng Los Angeles.
Sa loob ng dalawang oras ay hindi kumikilos, hindi nag-uusap, ang mga “bikers”. Nakaupo lamang sila at nakabilad sa araw.
May mga pulis na dumating upang tingnan kung may gulong nagaganap. Nguni’t dahil ang mga “bikers” ay tahimik lamang na nakaupo ay binantayan na lamang sila; habang ang mga tao naman ay nagsimula nang magmasid at magtaka kung ano ang kahulugan ng nagaganap.
Dumating ang mga “TV news crews” at mga fotograpo ng mga diaryo. Kinuhanan nila ng “clips” at retrato ang mga “bikers” na sa dalawang oras ay hindi tumitinag sa kanilang pagkakaupo. Hanggang sa ang mga “TV news” at “radio news” ay ibinabalita na sa himpapawid ang nakapagtatakang pangyayari.
Tumayo at tahimik na lumisan ang mga “bikers” makalipas ang dalawang oras na walang paliwanag sa kanilang ginawang “demonstration” ba o protesta?
Napansin ng mga pulis at mga tao na sa bawa’t lugar na inupuan ng labingdalawang “bikers” ay may iniwan silang isang putol ng tinapay at isang isda.
Pagkakita sa iniwang tinapay at isda ay lalong lumalim ang misteryo. Nagkamot na lamang ng ulo ang mga pulis, ang mga tao, at ang mga taga-“media”.
Ano kaya ang ibig sabihin nito?
Ang mensahe, ang lihim, ay ang mga “bikers” lamang ang nakaaalam.