Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
“Pambihira!” sabi ni Romano. “Pati pala housewife, nauupahan na.”
Sabi ng anunsyo: “Masipag, mapagkakatiwalaan. Handang maglingkod sa tahanang walang asawa. Magluluto, maglalaba, maglilinis ng bahay. Puwedeng arawan o buwanan.”
Nakita ni Romano ang anunsyo sa Craigslist. Kahihiwalay pa lamang niya sa kanyang asawang amerikana. Isang taon silang nagsama; hindi magkatugma ang kanilang ugali at hilig kung kaya’t nagkasundo na maghiwalay.
Tinawagan ni Romano ang kaibigang si Tony. Ibig niyang makuha ang opinyon ng kaibigan.
“Housemaid ang trabahong hinahanap ng taong iyan, hindi housewife,” paliwanag ni Tony.
“Ang linaw, pare. Sabi sa ad, ‘housewife’,” tutol ni Romano.
“Gimik l’ang, ‘yan,” dagdag ni Tony, “para ma-intriga ka.”
Ang ginawa ni Romano ay tinawagan ang nag-aalok ng serbisyo at gumawa ng appointment para sa interview.
Ang dumating sa interview ay isang magandang babae na ang edad ay 33, humigit-kumulang. Kayumanggi ang kulay ng balat, hindi siya kataasan, pero hindi rin maliit, may kahabaan ang buhok, balingkinitan ang katawan, at maaliwalas ang pagmumukha. Bilugan at puno ng buhay ang kanyang mga mata. Ang labi’y mapula kahi’t na walang lipstick.
Ang inaasahang makita ni Romano ay isang may katandaan nang babae, maliit, mataba, at may mga kapintasan. Nagulat siya na ang dumating sa interview ay isang babaeng malakas ang personalidad at sadyang kaakit-akit.
“Talaga bang ikaw si Sarah Fernandez?” usisa ni Romano.
“Bakit, may inaasahan pa ba kayong iba? Ako nga si Sarah,” mahinahong sagot ng babae.
“Wala. Ikaw lamang ang aking inaasahan,” sagot ni Romano. At dugtong niya, “sa ilang pananalita ay maaari mo bang ilarawan ang iyong sarili?”
“Ako si Sarah Fernandez, 31 taong gulang, dating may asawa, ngayon ay housewife for rent. Kakaunti ang aking pinag-aralan, nguni’t ako ay dalubhasa sa kung fu at may title na ‘master’. Namatay nang maaga ang aking asawa. Naghahanap ako ng bahay na matitirahan, at kung saan man ang bahay na iyan, kanino man ang bahay na iyan, ako’y handang magsilbi katulad ng pagsisilbi ng asawa,” sagot ni Sarah.
Habang nagsasalita si Sarah ay lumiligid ang kanyang paningin at sinusuri kung anong uri ng pamamahay mayroon si Romano. May kalakihan ang bahay ni Romano. Masasabing may kaya siya sa buhay, batay sa laki at anyo ng kanyang bahay. Mataas ang kisame, yari sa magandang kahoy ang sahig at dingding. Malinis ang kapaligiran at kaaya-aya ang pakiramdam, hindi maalinsangan, maganda ang ikot ng hangin sa loob ng bahay na nagmumula sa malalaking bintana.
“Maaari kang maging sekretarya o clerk, saleslady kaya, o model. Bakit ibig mong manilbihan bilang isang housewife for rent?” tanong ni Romano.
“Hindi siguro ako matatanggap dahil sa hindi ako nakatapos ng pag-aaral,” sagot ni Sarah. “Ang ibig ko ay maging isang live-in domestic helper, sa ibang salita, at nang may suweldo na ako ay mayroon pang matitirahan.”
“Bakit hindi mo inilagay sa iyong anunsyo na ‘live-in domestic helper’; bakit ang inilagay mo ay ‘housewife for rent’?” nagtanong pang muli si Romano.
Sagot ni Sarah, “Ako’y naging mapagmahal at masunuring asawa, nguni’t ang pagsisilbi ko sa aking naging asawa ay higit pa sa pagsisilbi ng isang katulong. Taga-luto, taga-laba, taga-linis, taga-pamili, at sa gabi ay kasiping sa kama. Nagsilbi ako sa asawa ko na walang sahod at sa huli ay namatay siya na wala man lamang naiwang insurance o mana na maaari kong ikabuhay. Ako ay mahirap pa sa daga ngayon at ang aking mga magulang at kapatid na nasa probinsya ay walang kakayahan upang ako ay matulungan. Sila nga ang umaasa na ako ay makapagpapadala ng pera.”
“Kung tatanggapin kita, gagawin mo ba ang lahat ng pagsisilbi na binanggit mo?” patuloy ni Romano.
“Ang ibig mong sabihin ay . . .”
“Oo, hanggang doon sa pagsiping sa gabi,” dugtong ni Romano.
“Hindi ako babaeng tila kalapati na mababa ang lipad. Ang aking naging asawa ay siya lamang na lalaki na aking nakasiping. Magkakasama tayo sa iisang bubong at maaaring magkakasama tayo sa iisang silid, sa iisang higaan. Maaaring mangyari ang lahat ng iyan. Nguni’t walang pilitan, maaaring isuko ko sa iyo ang aking kapurihan, kung iyan ang aking magiging pasiya. Kapag gumamit ka ng lakas at dahas, kaya kong ipagtanggol ang aking sarili; kung kaya’t mag-isip ka muna bago ka gagamit ng dahas,” paliwanag ni Sarah, “ang ating kasunduan ay kasunduang ‘strictly business’, hanggang sa ito ay humantong sa mas mataas pang kategorya,” paliwanag ni Sarah.
Isang gabing umuwi si Romano ay naabutan niyang si Sarah ay naliligo. Hindi nakapinid ang pinto sa silid ni Sarah kung kaya’t nagkaroon ng pagkakataon si Romano na sumilip sa loob ng silid. Narinig niya ang tunog ng tubig na nanggagaling sa dutsa; hindi rin nakapinid ang pinto patungo sa banyo. Bahagyang binuksan ni Romano ang pinto at sumilip sa loob ng banyo. Naaninag niya sa salamin ang hubad na katawan ni Sarah na noong minuto na iyon ay walang kamalay-malay na nagpapasarap sa ginhawang dulot ng maligamgam na tubig at di nalalamang may matang nakakikita sa kanyang nakatutuksong alindog.
Nagdadalawang-isip si Romano kung iiwanan niya ang kapanapanabik na tagpo o ipaaalam niya kay Sarah na siya ay naroroon sa may pinto at humihingi ng permiso na makapasok. Pinili niya na maging matapang at kaharapin kung ano man ang magiging reaksyon ni Sarah. Kinatok niya ang pinto at nagsabi nang, “Sarah, bukas ang lahat ng pinto. Baka ‘kako may nangyaring masama sa iyo.”
“Sandali l’ang. Lalabas na ako,” sagot ni Sarah. At sa ilang sandali, habang si Romano ay nakaupo’t naghihintay ay lumabas si Sarah ng banyo na nakabalot ng bata de banyo ang katawan at ang ulo ay nakabalot ng tuwalya.
Uminit ang katawan ni Romano dahilan sa iniisip na pakikipagtalik kay Sarah na maaaring mangyari noon mismong oras na iyon. Isang pakiramdam na sa araw-araw ay nararamdaman niya, pagnanais na palakas nang palakas ang tindi habang lumalakad ang panahon.
Tumindig si Romano, nilapitan si Sarah, at akmang yayakapin ang babae. “Sarah, handa ka na bang magsilbi bilang housewife?” Hindi na nakatanggi si Sarah, nakipagyakapan kay Romano. Isinuko ang labi, ang katawan, sa mapangahas na labi at mga kamay ni Romano.
Ang mabilis na pangyayari ay naganap sa isipan ni Romano habang nakikipag-usap kay Sarah tungkol sa pag-aapply sa trabaho ng huli. Nasisiyahan siya sa magagandang pangyayaring maaring maganap kapag nagpasiya siyang tanggapin sa trabaho si Sarah.
“Romano!” sabi ni Sarah. “Para kang namamalik-mata. Naintindihan mo ba ang sinabi ko?”
“Ah, e, oo. Ang sabi mo, maaaring humantong sa mas mataas pa na kategorya. . .”
Tinapos ni Romano ang interview at sinabihan si Sarah na siya ay magpapasiya sa darating na bukas.
Kinabukasan ay nag-uusap ang magkaibigang Romano at Tony sa telepono:
“Pare, ibig ko siyang tanggapin sa trabaho nguni’t may mga inaalaala ako. Hindi ko siya kakilala. Totoo kaya ang mga pinagsasabi niya. Baka siya ay magnanakaw. Kukunin ang aking confianza, pagkatapos ay pagnanakawan ako. O baka siya ay serial killer. Gigilitin ang leeg ko habang ako’y natutulog,” kuwento ni Romano kay Tony.
“Iyang laki mong ‘yan ay matatakot ka sa kanya?”
“Pare, kung fu master daw siya.”
“Romano, kung ako ikaw ay tatanggapin ko siya. Palay na ang lumalapit sa manok, ayaw mo pang tumuka.”
Pinag-isipang mabuti ni Romano kung ano ang kanyang gagawin. Kasalukuyang siya ay nag-iisa sa dahilang kahihiwalay niya sa asawa. Kailangan niya na may makasama sa bahay, na may makausap, at may kasama sa mga lakad. Hindi bale na ang pagluluto, paglilinis, at paglalaba. Hindi malaking pangangailangan ang mga iyon. Higit na mahalaga ang may makasalo sa buhay, sa hirap at ginhawa.
May kaya siya sa buhay. May minanang salapi galing sa mga magulang at kasalukuyan ay kumikita ng malaki bilang vice president sa isang bangko. Maaari siyang mangligaw ng mga napupusuang babae sa opisina. Maaaring siya ay maghanap ng makikilala sa mga party o singles bar. Maaari siyang maglakbay, mangibang-bayan, at humanap ng foreigner na mapapangasawa. Isip ni Romano, malaking trabaho ang mangligaw at maghanap ng mapapangasawa. Samantalang heto na si Sarah, volunteer housewife, maganda at tila may laman ang ulo kahi’t na hindi nakapag-aral nang husto.
Nang makapagpasiya na si Romano ay tinawagan sa telepono ang kaibigan niyang si Tony.
“Tony, ang pasiya ko ay hindi. Hindi ko tatanggapin sa trabaho si Sarah.”
“Unbelievable! Pambihira ka, Romano. Palalagpasin mo ang isang napakagandang pagkakataon.”
“Hindi mo naiintidan,Tony. Hindi kami nagkasundo sa suweldo.”
“Bakit, magkano ang gusto niyang suweldo?”
“Isang milyon sa loob ng isang taon, P84,000 buwan-buwan! Gusto pa may life insurance at health insurance, retirement at paid vacation benefits!”
Napatawa nang malakas si Tony. Bago pinintasan ang pasiya ng kaibigan, “Romano, di ko akalaing tatanggihan mo si Sarah. Gago ka, pare. Sorry, pero talagang gago ka, kaibigan! Dahil lamang sa suweldo.”
Nagulat si Romano, bago ang tanong sa kaibigan, “Bakit naman ako naging gago?”
“Mangyari, unang-una, kaya mo namang magpasuweldo ng isang milyon. Pangalawa, hindi mo naisip na mas magastos ang tunay na asawa. Hindi ba kagaguhan ang pasiya mo, Romano?”