Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Isang buong taong naghari sa tahanan ni Huwan ang di kilala at di inanyayahang panauhin. Makapangyarihan ito, hindi maaaring pigilin o paalisin; hinahamak ang mga naninirahan sa bahay at siyang nagpapasiya sa mga mangyayari sa kanilang buhay.
Tsuper ng taksi si Huwan. Noong araw ay driver siya ng isang executive sa Makati. Nang ang executive ay nag-immigrate patungong Amerika, nagulo ang kanyang hanapbuhay. Maayos ang pasuweldo sa kanya, may pabahay pa; kung siya’y kinakapos ay madaling nauutangan ang executive, kalimitan ay hindi pa tinatanggap ang bayad kapag ibig na niyang bayaran ang utang. Kung baga, utang kalimutan.
Tila siya matsing na itinapon sa dagat. Kailangang lumangoy na walang katulong upang mabuhay. Ibinigay sa kanya ng executive ang isang kotse at ito’y ginawa niyang taksi. Umalis man ang executive ay nag-iwan naman ng puhunan na maaaring ikabuhay ni Huwan at ng kanyang pamilya.
Naitatawid ni Huwan ang pangangailangan ng pamilya sa pamamagitan ng pagpapasada ng taksi. Kung pang-araw-araw lamang na kakainin at baon ng mga bata sa eskwela ay nakakayanan niya. Patang-pata lamang ang katawan niya sapagka’t di pa man sumisikat ang araw ay lumalabas na siya upang pumasada. At inaabot siya hanggang sa sibsib ng gabi bago nakauuwi. Araw-araw na ginawa ng Diyos ay ginagaygay niya ang mga lansangan, naghahatid ng mga pasahero, gamit ang sasakyang hindi naman napakainam ang takbo sapagka’t hindi naman bago, at gaygay niya ang mga kalsadang masisikip sa gitna ng heavy traffic at kainitan ng araw. Kayod marino ang trabaho ni Huwan.
Noong araw ay nakukuha pa niyang matulog sa awto habang hinihintay ang amo. Kalimitan ang pinupuntahan nila ay bahay at opisina lamang. Kapag oras ng tanghalian at hapunan ay kasalo pa siya sa pagkaing ipinabibili ng amo. Magaan at masagana ang kanyang trabaho noon.
Nguni’t ngayon ang nakapangyayari nga ay ang panauhin ni Huwan sa bahay. Simula nang dumating ito ay kung anu-ano nang mapapaklang pangyayari ang nagaganap sa kanyang buhay.
Unang-una ay umalis ang executive at siya’y napabayaang “lumangoy” na sarili.
Ang mahapdi mo nito, isang gabing nag-o-overtime sa pasada si Huwan ay nadisgrasya pa siya. May dalawang lalaking sumakay na nagpahatid sa may bandang Caloocan na kagalang-galang ang kasuotan at pagmumukha. Iyon pala ay mga holdaper!
Tinutukan siya ng baril. Kinuha ang kanyang kita sa maghapon at pagkatapos ay pinababa siya ng taksi. Pinahubad ang kanyang pantalon at sinabing lumakad na siya at huwag lilingon at kung hindi ay babarilin siya.
Pati ang taksi ni Huwan ay tinangay ng dalawang mandarambong.
Nagpatuloy sa pagtakbo, paglakad, si Huwan na walang pantalon sa kalagitnaan ng gabi sa pook na madilim, na kakaunti ang bahay at lugar na di niya kabisado. Nang maglaon ay may napadaang police car at siya ay inihatid ng pulis sa bahay, matapos na siya ay matanong sa presinto.
Naging taong-bahay, pansamantala, si Huwan sapagka’t wala na siyang gagawin o pupuntahang trabaho. Ang asawang si Selya ay nagtitinda ng kakanin sa palengke. Naging si Selya ang “padre de familia”, pansamantala, ang bukod-tanging tao sa pamilya na kumikita.
Minsan ay balisang-balisa si Selya, hindi tuloy nakapagtinda noong araw na iyon.
“Huwan, may ipagtatapat ako sa iyo,” simula ni Selya.
“Alam ko na. . ., ubos na ang puhunan mo.” Sabat ni Huwan.
“Hindi. Iba pang bagay.”
“Naholdap ka rin at natangay ang kinita mo!”
“Hindi. Huwan, huwag kang magagalit sana. . .” pasubali ni Selya.
“Buntis ang anak mong dalaga.”
Namula sa galit ang pagmumukha ni Huwan. Nagngingitngit siya na nagsabi nang, “Nasaan ang p_ _ _ _ _ _ -inang anak mo na iyan. Mapapatay ko ‘yan!”
Ang dalagang anak nina Huwan at Selya ay sumama sa boyfriend na kapitbahay nila. Walang trabaho ang lalaki at di pa nakatatapos ng pag-aaral. Gayon din ang anak na dalaga. Pakainin pa ay pumasok na sa buhay na magulo. Di pa kayang pakainin ang sarili ay kumuha pa ng ibang tao na pakakainin.
“Hay, naku,” sabi ni Huwan. Magbibigti na yata ako sa sarili.”
Samantala ay nakamasid lamang ang panauhin, tatawa-tawa, tila nalulugod sa mga nangyayaring trahedya.
Matatapos na ang taon. Isisilang ang anak ng dalaga, ang apo nina Huwan at Selya, bago magbagong taon.
Masakit ang ulo ni Huwan sa pag-iisip kung papaano niya mababayaran ang panganganak ng anak. Kailangang may deposito sa ospital; kung hindi ay tatanggihan ang panganganak doon. Paano kung caesarian ang delivery? Lalong kailangan ang higit na malaking salapi upang mairaos ang panganganak.
Napilitan si Huwan na tawagan nang long-distance ang dating amo upang makahingi ng tulong.
Hindi naman siya tinanggihan ng dating amo. Nagpadala ng pera kay Huwan at nakapanganak nang maluwalhati ang anak.
Ilang araw na lamang ay bagong taon na. Lihim na sinadya ni Huwan ang Meycauayan upang doon ay bumili ng mga paputok na malalakas ang putok; katulad ng bawang, five-star, super lolo, at sinturon ni Hudas. Naghanda din siya ng mga lumang gulong at pangsamantalang itinago ang mga ito sa ilalim ng bahay.
Nagiging tila war zone ang buong Kamaynilaan sa tuwing bisperas ng bagong taon. Sa dami ng paputok, kuwitis, ingay, at nag-aapoy na goma, ang buong paligid ay nababalot ng nakatutulig na ingay at usok na may mabahong amoy.
Nababaliw sa takot ang mga batang di nakauunawa sa nangyayari; nahihintakutan ang mga alagang aso at pusa at marami sa kanila ang naliligaw sa paghahanap ng lugar na mapagtataguan.
Napakahalaga ng araw ng paputok kay Huwan. Bagong taon, bagong buhay ang dapat na mangyari.
Ilang minuto bago mag-alas dose ng Disyembre 31, inilatag ni Huwan ang tatlong gulong na goma sa harapan ng kanyang bahay at sila’y binuhusan ng gaas bago sinilaban. Agad na sumigabo ang apoy. Isa-isa niyang ibinato ang mga paputok sa gitna ng nag-aapoy na goma. Nang marinig niya ang pagsabog, ang nakaliligayang dagundong ng mga paputok, nasiyahan si Huwan at napangiti. Maya-maya ay humahalakhak na siya sa tuwa na tila baliw. Bungkos bungkos nang paputok ang ibinabato niya sa apoy, hindi na isa-isa, at ang resulta ay talagang nakahihindik na ingay.
“Ha,ha,ha! Siguro naman ay lalayas ka na sa pamamahay ko!” Hamon ni Huwan sa panauhin.
“Anong nangyayari sa iyo, Huwan,” tanong ng asawa. “Tila ka nababaliw.”
“Ang sabi ng nanay ko sa akin noong ako’y bata pa, takot daw sa ingay ang mga masasamang ispirito. Ang ispirito ng kamalasan, ispirito ng sakit, ispirito ng di pagkakasundo sa tahanan; Selya, itinataboy ko ang walang kakuwenta-kuwenta nating kasambahay.”
Patuloy sa pagtatapon ng paputok sa apoy si Huwan habang siya’y nagagalak at halakhak nang halakhak sa paniniwalang siya ay nagtatagumpay.
May mga tilamsik ang apoy na lumipad patungo sa bahay. Nasaling ang kurtina at ito’y nag-apoy. Maya-maya ay lumipat ang apoy sa bintana, sa kisame, at ito’y kumalat sa buong kabahayan ni Huwan.
“Sunog! Sunog!” sigaw ng mga taong nakakita na nasusunog ang bahay ni Huwan.
Naghihihiyaw si Selya sa nakikita niyang pagkakasunog ng kanyang bahay at ibig na pasukin iyon upang mailigtas ang ilang gamit nguni’t siya ay pinigilan ng mga tao.
Samantala, si Huwan ay paulit-ulit sa pagsasabi nang, “Tagumpay! Tapos ka na, Mr. Kamalasan. Bye-bye. Di ka na makapangyayari sa aming buhay.”