Black Widow

Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz

MORE STORIES AT tagalogshortstories.net

Ang matanda, maaga pa ay gising na. Limang oras na tulog lamang husto na. Ganoon ang nangyayari kay Mang Sixto sa tuwing umaga. Magigising siya nang mga alas kuatro, pupunta sa banyo, at di na babalik sa higaan. Sisilipin ang asawa na tulog na tulog pa at naghihilik, bago siya uupo sa kanyang paboritong silyon sa sala.

Antigo ang silyon. Namana sa lolo at ama niya. Yari sa nara, may mahahabang patungan ng braso ito. Maaaring ipatong ang dalawang braso, pati na ang dalawang binti. Ang pinakaupuan ay yari sa buling ratan.

Titingin siya sa kisame samantalang nakahilata sa silyon, nakabukaka, at sasariwain sa isip ang mga “naganap” nang nakaraang gabi.

Kuwentista si Mang Sixto. Nang bata-bata pa ay sumusulat siya ng script para sa mga dramang ipinalalabas sa telebisyon. Kung mga dalawang daang kuwento lamang ay nakasulat na siya at karamihan doon ay ginawang drama at ipinalabas sa telebisyon.

Sa kasalukuyan, ang pagsulat ni Mang Sixto ay pang-alis na lamang ng inip. Paminsan-minsan ay ipinadadala ang kuwento sa isang magasin na kung saan mayroon siyang kaibigang patnugot. Paminsan-minsan ay nailalathala ng magasin ang kanyang kuwento.

Kagabi ay napaginipan niya ang dalawang lalaking apo na iniwan ng ina sa kanila upang silang mag-asawa ang mag-alaga. Ang mga apo ay dalawang taon ang isa at limang taon ang isa. Mga tunay na alagain lalo na’t napakalilikot. Walang tigil sila sa katatakbo at katatalon.

Sa panaginip ay ipinasyal nilang mag-asawa ang dalawang bata sa parke. Maraming tao noon sa parke na naglilibang din katulad nila. Habang minamanmanan ang mga apo ay may lumapit sa mag-asawa na isang lalaking may dala-dalang tila mo malaking payong. “Subukan ninyo,” sabi ng tao. At dahil malaki ang payong, dalawa silang mag-asawa ang humawak sa pinakapuno nito. Binuksan nila ang payong na agad-agad na bumuka. May elise sa pinakatuktok nito na bigla at mabilis na umikot. Umalsa ang payong tangay-tangay ang mag-asawa. Lumipad ito paitaas na tila helicopter, hila-hila ang mag-asawa. Nagsisigaw si Aling Mary, “Saklolo, saklolo!” Si Mang Sixto naman ay putlang-putla sa takot at kahi’t na ibig na maghihiyaw ay walang salitang lumalabas sa kanyang bibig.

Umikot ang lumilipad na payong sa itaas ng parke at pagkatapos ay kusang bumaba. Paglapag sa lupa, biglang bitiw sa payong ang mag-asawa at dahil sa biglaan ang pagkabitiw ay kapuwa sila sumadsad nang paupo sa lupa.

Napakabilis ng mga pangyayari. Magkahalong kaba, pagkalito, at pagkapagal ang naramdaman ng mag-asawa. Di madaling sumabit sa isang lumilipad na bagay at tiyakin na hindi mahuhulog. Kung sila’y bumitiw habang nasa itaas, malamang ay ikinamatay na nila ang pagkahulog.

Ngayon ay nagngagalit ang damdamin nila. “Nasaan ang tarantadong mama na iyon?” Wika ni Mang Sixto, sabay tindig at pagkatapos hila sa asawa at nang siya rin ay makatayo.

Naisip ni Aling Mary, “Nasaan ang mga bata?” Karimot nang takbo ang dalawa, patungo sa isip nila na lugar na napag-iwanan sa mga apo. Kabog ang dibdib nila kapuwa, “Diyos ko, baka nawala na ang mga apo ko!” tulalang nasambit ni Aling Mary. “Baka kinuha na ng ibang tao!”

Umuungol nang magising si Mang Sixto. Ilang sandali ang lumipas bago siya nahimasmasan.  Samantala ay lumulutang ang isip niya sa pagitan ng katotohanan at ng mundo ng panaginip.

Hindi maunawaan ni Mang Sixto kung bakit nang siya ay tumanda ay dumalas ang dating ng mga nakababahalang panaginip. Noong araw ay nakasusulat siya ng kuwento batay sa malawak na pagbabasa ng mga aklat at magasin na may sari-saring paksa. Ang mga kuwento niya nitong mga nakaraang panahon ay bunga ng panaginip. Iniisip niya na baka ang mga panaginip ay dala ng mga gamot na iniinom niya. O dahil sa di pa natutunaw ang kinain na hapunan ay natutulog na siya kaagad. Ang ibang tao ba ay ganoon din? Nananaginip din katulad niya, kahi’t na sa kanyang kaso, mas malimit yata ang dating ng panaginip kaysa ibang tao?

Panaginip nga ba ang labas-masok sa kamalayan ng matanda? Mga diwa, pangyayari, mukha, hugis, multo? Kung masasabing sakit ang pagkakaroon nang madalas na panaginip, ito ba ay lumalala sa pagtanda? Maaaring ang nagaganap ay ang pagsasanib ng panaginip at simula ng sinasabi nilang pagka-ulian, ang magulong pagsasanib ng mga kaisipang hindi magkakaugnay. Ang pagka-ulian ay ang halimaw na sumisira sa tumatandang utak. Ang ipu-ipong tumatangay sa alaala at katotohanan.

Pagdating nang mga alas seis ay bihis na si Mang Sixto at handa nang lumabas ng bahay. Sakay ng kanyang convertible, two-seater na Honda S2000, pupunta siya sa paboritong Sam’s Cafe upang doon magkape at doon ipagpatuloy ang pagmumuni-muni.

Dala-dala ang kanyang laptop, mauupo doon si Mang Sixto, at maglilibang sa kanyang computer. May libreng wi-fi ang Sam’s Cafe. Ilalagay sa taenga ang headset, isasaksak ang isang dulo ng cable sa laptop, at pagkatapos ay makikinig sa kanyang mga paboritong kanta.

Mga isang libong kanta ang laman ng kanyang computer. Eclectic o halo-halo ang music collection niya. Bawa’t isang kanta ay mataas ang uri, naaayon sa kanyang paniniwala na ano mang estilo ay nakalilibang at kahanga-hanga, basta lamang maganda, malinis ang tunog, at mahusay ang pagkakagawa. Pakikinggan niya ang Maya ni Conching Rosal, ang Stairway to Heaven ng Led Zeppelin, ang Live from the Jazz Buffet of Chicago 1993 ng Filipino jazz pianist na si Bobby Enriquez, ang Good Morning, Heartache ni Billie Holiday, ang Wild is the Wind ni Johnny Mathis. Mula kundiman, pagkatapos classic rock, jazz, blues, hanggang standards – ganyan kalawak ang hilig na musika ni Mang Sixto. Kahi’t dalawang araw, dalawang gabing magkasunod na pakikinig sa kanyang music collection ay di pa mauubos ang mga kanta.

Makikinig siya habang nagbubutingting ng kanyang computer. Titingin sa mga email, babasa ng balita, bubuuin ang mga kuwento niyang hindi tapos.

Sa isang sulok ng Sam’s Cafe ay naroroon din ang isang lilimampuing babae na kasing-dalas ang punta roon katulad niya. Hindi siya kasingtanda ni Mang Sixto nguni’t hindi na rin bata. Mababakas sa mukha at leeg ng babae ang bahagyang kulubot, mga palatandaan ng kumukupas na kagandahan at kasiglahan. Sa kanyang kilos, pilantik ng kilay, at pungay ng mata, mababakas ang isang uri ng pagkatao na may dignidad. Mamahalin ang kasuotan ng babae. Mukhang Gucci ang kanyang handbag. Kung humawak sa paper cup at humigop ng kapeng Sam’s Cafe ay tila kopa at mamahaling alak ang hinihigop.

Iniisip ni Mang Sixto. “Katulad ko ba siya na maaga kung magising? Naiinip at naghahanap ng magagawa, ng mapagkakaabalahan? Bakit siya nag-iisa? Mukhang may kaya sa buhay, nguni’t bakit siya sa mumurahing Sam’s Cafe nagpupunta?”

Kung di nakatingin ang babae, ay tititigan siya ni Mang Sixto at maghahanap ng mga palatandaan na makasasagot sa kanyang mga katanungan at agam-agam tungkol sa mahiwagang babae. Kung di nakatingin si Mang Sixto, ang babae naman ang susulyap sa pagkatao ni Mang Sixto. Marahil ay pinag-aaralan din ang buhay niya at kung anong uri ng tao siya.

Dumarating din sa Sam’s Cafe si Joe Dumdum. Suki rin siya doon. Nagkakilala sila isang araw, at naging magkaibigan. Maliksi, magiliw, at hindi nahihiya si Joe Dumdum. Binabati at kinakausap ang mga taong nakaka-enkuentro kahi’t na hindi niya sila kakilala. Nang umagang iyon na nagkakilala sila, lumapit ang Joe Dumdum kay Mang Sixto at nagtanong, “Maaari ba akong makiupo dito sa inyong mesa? Ako si Joe Dumdum.”

Pamula noon ay palaging nagkakakuwentuhan na ang dalawa sa tuwing magkikita. Sa kabuuan, napag-alaman ni Mang Sixto na si Joe Dumdum ay taga-Cebu. Nag-iisa na lamang siya sa buhay. Matatanda na ang mga anak na kung kaya’t may kani-kaniya na silang buhay at pamamahay. Nakatira sa isang seniors’ apartment si Joe Dumdum. Noon ay kaulayaw ang kanyang asawa. Nguni’t nang ang asawa ay mamatay, naging nag-iisa na lamang siya. “Ipinagluluksa ko pa ang pagpanaw niya,” sabi niya kay Mang Sixto.

Minsan ay napag-usapan nila ang mga nakatatawang pangalan. “Ha, ha, ha,” sabi niya. “Ang Dumdum ay salitang bisaya na ang ibig sabihin ay ‘magandang pagdating’. Kung bigkasin ng mga Amerikano ay dumb-dumb, ha, ha, ha. Tuloy, ang mga anak ko, nagpalit ng apelyido. Pero ako, Dumdum forever!”

Noong umagang iyon ay dumating si Joe Dumdum. Pagkakuha ng kape mula sa counter ay kumaway siya kay Mang Sixto, bago naupo sa harapan ng misteryosang babae.

Nakita niya silang masiglang nag-uusap. Katulad nang dati ay masaya at maraming kuwento si Joe Dumdum. Ang babae na malimit ay tahimik, di ngumingiti, at di tumitinag sa kanyang pagkakaupo kundi lamang kailangang palitan ang pagkakaekis ng kanyang mga binti, ay mahinahon at tila napipilitan lamang siya na makipag-usap kay Joe Dumdum, marahil, bilang pagpapakita ng respeto.

Nakita niya silang sabay tumindig at sabay lumisan sa nasabing Sam’s Cafe. Lumipas ang isang araw, isang linggo, dalawang linggo, di na niya nakitang muli si Joe Dumdum.

Isang umaga ay lumapit ang mahiwagang babae sa kinauupan ni Mang Sixto. Nagitla siya.

“Maaari ko ba kayong makausap?” tanong ng babae.

“A, e, puede po. Maupo kayo.” Sagot ni Mang Sixto.

“Alam kong tuwing umaga ay naririto kayo. Uupo. Magkakape. Magko-computer. Kung di ko kayo kakausapin ngayon at di ko na kayo makikita pang muli ay buong buhay akong mag-iisip, anong uri kaya ng tao ang mamang iyon.” Patuloy ng babae.

“A, e, karaniwang tao po lamang.” At nagbigay ng maikling pagpapakilala si Mang Sixto.

“Kung inyo pong mamarapatin ay magpapakilala rin ako sa inyo,” at nagsimulang magkuwento ang babae.

Ikinuwento niya na mayaman ang napangasawa niya. Dalawampung taong magkasama sila sa buhay. Di sila nagkaanak. At ang nasabing mayamang asawa ay yumao na. Na siya ay dating marine biologist at matagal na niyang isinuko ang propesyon alang-alang sa asawa at dahil nga sa yaman ng asawa ay di na kailangang siya ay maghanapbuhay pa.

“Nguni’t nagkaroon ng sakit na walang lunas ang aking asawa. Isang taon siyang naghirap. Labas-masok kami sa pagamutan. Inalagaan ko siya at puspusang naghanap ng ospital at paraan na makagagamot sa kanya, total ay may salapi kami; nguni’t siya at ako ay nabigo. Nang huli ay nagpasiya ang doktor na siya ay iuwi na sapagka’t wala na silang magagawa pa sa kanyang kalagayan.

“Naging mainitin ang ulo ng asawa ko. Kahi’t na siya ay nakaratay sa higaan ay araw-araw na ako’y kanyang binubulyawan, minumura. Nagsilbi ako sa kanya bilang nars, na tila katulong, na tumugon sa kanyang bawa’t isang pangangailangan. Nguni’t iyon ay di niya pinahalagahan. Marahil ay nagbago na ang kanyang ugali sanhi ng sakit, marahil ay gumulo na at wala nang katuwiran ang kanyang isip. Nauunawaan ko iyon, nguni’t may damdamin din ako at may hantungan ang makakayanan kong pang-aapi at pangbubusabos,” patuloy ng babae na noon ay naluluha na.

“Bagama’t mahal ko pa rin siya hanggang sa huli, nakaramdam ako ng tuwa at kalayaan, nang siya ay mawala na.

“Malungkot ang nag-iisa. Kailangan ko ng kausap, ng makakatulong sa mga ibig kong matupad. Hindi sapat ang salapi upang maging maligaya sa buhay. May mga alaga akong hayop na mula pa noong ako’y marine biologist pa ay alaga ko na. Sila ang mga kasa-kasama ko sa buhay.

“Nguni’t hindi nila maaaring maibigay ang lahat ng pangangailangan ko. Lalo na ang pangangailangan ng isang babae kapag nalulungkot sa pag-iisa.”

Sa dakong ito ng pagkukuwento ng babae ay kinilabutan si Mang Sixto. “Naku, po! Baka maniac ang babaeng ito!” Bulong sa sarili.

“Tumingin ka sa mga mata ko, Sixto,” sabi ng babae, na noong sandali na iyon ay nagpalit ang anyo: Mula sa pagiging magiliw na kaibigan tungo sa pagiging isang tila mangkukulam. Ibig umiwas ng tingin si Mang Sixto. Sa totoo, ibig na niyang tumayo at umalis. Nguni’t nangibabaw ang kapangyarihan ng babae. Nakatingin siya sa mga mata ng babae na tila nangungusap sa kanya na iwaksi sa kanyang isipan ang lahat ng bagay kundi isa lamang na bagay, ang sumunod sa ipinag-uutos niya, ang pagsuko sa pagtanggi.

“Halika na Sixto, sumama ka sa akin,” aya ng babae. Tumindig si Mang Sixto at lumakad na nakasunod sa babae. Ang babae ang pumulot sa computer niya na nakapatong sa mesa dahil tila wala na siya sa sarili. Sumakay sila sa kotse ng babae at nilisan ang Sam’s Cafe.

Malaki ang bahay ng babae. Mataas ang bakod. Pumasok ang auto sa isang tarangkahan na bakal na bumukas mag-isa. Nang pumasok sila sa pinakabahay ay napansin ni Mang Sixto na may malalaking acquarium na may ilaw na nakapaligid sa malawak na sala. May mga isda sa isang acquarium. May mga pagong sa isa pa. May ahas naman sa isa pang malaking acquarium at nakapulupot ito sa isang putol ng driftwood, nakataas ang ulo, at animo’y nag-aabang ng pagkaing matutuklaw.

At sa isang dako ng sala ay may bukal, sabihin nang tila pinagawang maliit na swimming pool, na sa sukat at lalim ay makalulubog ang dalawang malalaking tao. Ang tubig sa bukal ay hindi matahimik. Tuloy-tuloy ang ingay na kung baga ay may kumakalikaw sa ilalim nito. Sa ilalim ng tubig ay tila may malilikot, nagkikikisaw na kung ano mang hayop-tubig na naninirahan doon.

Mistulang alipin ang nangyari kay Mang Sixto. Sa silid ng babae ay naganap ang panghahalay sa kanya. Naghubad ang babae at hinubaran niya si Mang Sixto at pagkatapos ay pinangibabawan niya siya.

Kahi’t may edad na si Mang Sixto at may problema sa prostata ay di maiwasan na siya ay mag-init at bumandila ang kanyang pagkalalaki. Nagkaroon ang dalawa ng malikot, maingay, marahas, at malupit na pagtatalik.

Si Mang Sixto ay sumailalim sa hipnotismo ng babae. Ang kanyang isipan ay nasa gitna ng kamalayan at walang kamalayan.

Ang babahagya niyang kamalayan ay nagbibigay sa kanya ng babala, “Ang babae ay isang black widow! – ang gagambang pinapatay ang lalaki pagkakatapos na makipagtalik!” Ibig niyang magpumiglas, tumakas, nguni’t di niya ito magawa.

“Ang bukal sa sala,” naisip niya, “pugad ng mga piranha!”

Naisip niyang pinatay ng babae ang bugnutin niyang asawa. Pinalamon sa mga piranha!

Naisip niya si Joe Dumdum na basta na lamang nawala.

Naisip niya si Mary, ang kanyang asawa, na naghahanda na ng pananghalian nang mga oras na iyon at nagtataka kung bakit hindi pa siya nakababalik sa bahay.

Naisip niya ang kanyang convertible Honda S2000 na nakaparada pa sa Sam’s Cafe.